Filtered By: Topstories
News

Suspek sa pagpatay sa ina ni Cherry Pie Picache, umaming naka-droga nang mangyari ang krimen


Halos isang buwan matapos ang karumal-dumal na krimen, naaresto na nitong Martes ng gabi sa Laguna ang suspek sa pagpatay sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache na kinilalang si Michael Flores. Pero itinanggi niya na siya ang pumaslang sa 75-anyos na biktima.
 


Ayon sa ulat ni Shiela Vergara-Rubio sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, itinaggi ng 29-anyos na suspek siya ang sumaksak at pumatay kay Gng. Zenaida Sison.
 
Aniya, kasama lamang siya sa nanloob sa bahay ng biktima at nasa ilalim raw siya ng impluwensya ng droga kaya niya ito nagawa.
 
Iginiit ni Flores na hindi siya nag-iisa nang isagawa ang krimen. Kasabwat niya umano ang isang alias 'Bruno' at 'Kuya Weng,' na nakakasama niyang matulog sa kalsada.
 
Sinabi nito na hindi kasama sa plano nila ang patayin ang biktima na mag-isang nakatira sa bahay sa Quezon City.
 
Ayon kay Flores, ang tanging ginawa niya lamang ay maghanap ng paraan para makapasok sila sa bahay ni Sison.
 
Hindi naman niya matukoy kung sino sa kaniyang mga kasama ang pumatay sa biktima.
 
Matapos umanong mangyari ang krimen, nagpunta raw si Flores sa kaniyang tiyahin sa Sta. Rosa, Laguna kung saan siya naaresto.
 
Aniya, nalaman lang niya sa Facebook na pinaghahanap na pala siya ng awtoridad kaya siya nagtago.
 
Pinagsisisihan umano ni Flores ang nasamahang krimen at handa siyang pagdusahan ito. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News