Grade 1 pupil, patay nang madaganan ng scaffolding sa loob ng eskwelahan
Labis ang pighating nararamdaman ng isang ina dahil sa pagkamatay ng kaniyang pitong taong gulang na anak sa loob mismo ng pinagkakatiwalaan niyang eskwelahan. Nasawi ang biktima nang mabagsakan ng scaffolding na ginagamit sa pagkumpuni sa volleyball court.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing nabali ang leeg at nabasag ang bungo ng biktimang si Jazel Arnulf Habab, at hindi na umabot ng buhay nang dalhin sa ospital.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing recess time nang maglaro ang mga kaklase ni Habab malapit sa court. Nakatayo lang umano ang biktima sa lugar nang mayroong estudyante na humatak sa net ng volleyball na nakakabit sa scaffolding.
Sa lakas ng pagkakahatak, bumagsak ang scaffolding at dumagan sa biktima.
Hindi matanggap ng ina ng bata ang sinapit ng anak dahil tiwala siyang magiging ligtas ang mga bata sa loob ng paaralan.
Sinubukan ng GMA News na makuha ang panig ng pamunuan ng St. Joseph Institute pero tanging mga security guard lang ang humarap at nagsabing wala pang nakahandang pahayag ang eskwelahan.
Desidido naman umano ang ina ng biktima na magsampa ng reklamo laban sa paaralan.
Nagsasagawa rin umano ng hiwalay na imbestigasyon ang Department of Education sa nangyaring insidente. -- FRJ, GMA News