Filtered By: Topstories
News

Sa loob ng simbahan: Bangkay, nalaglag sa sahig mula sa ataul at nabagsakan ng takip


Inirereklamo ng isang pamilya sa Naga City ang isang punerarya dahil sa umano'y pagpapabaya kaya nahulog sa sahig mula sa ataul ang bangkay ng kanilang ililibing na kaanak habang isinasagawa ang isang funeral mass sa loob ng simbahan.

Sa ulat ng GMA News TVs' Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente nitong Miyerkules sa Immaculate Conception Church.

Bukod sa kulang daw ang tauhan ng punerarya para buhatin ang ataul na pinaglalagyan ng bangkay, bumigay din ang pinapatungan ng ataul nang isinasagawa ang misa kaya nalaglag ang patay sa sahig at nabagsakan ng takip.



Giit ng galit na pamilya ng ililibing, nabastos ang pumanaw nilang kaanak.

Humingi naman ng paumahin ang pamunuan ng punerarya, na nagsabing posibleng nakalas daw ang pinapatungan ng ataul kaya nangyari ang hindi inaasahan.

Pero hindi nagustuhan ng pamunuan ng punerarya ang ginawang pananakit umano ng kaanak ng patay sa isa nilang tauhan.

Tiniyak ng pamunuan ng punerarya na gagawa sila ng kaukulang hakbang sa ginawang pananakit sa kanilang tauhan.

Pinag-aaralan naman ng pamilya ng bangkay kung itutuloy ang pagsasampa ng reklamo laban sa penerarya. -- FRJ, GMA News