Mga palaisdaan at taniman sa Pangasinan, lubhang naapektuhan ng bagyo
Maliban sa matinding pinsala sa mga pangunahing kalsada sa Pangasinan dulot ng malakas na pag-ulan dahil sa mga bagyo nitong nakaraang mga linggo, posible ring maapektuhan ang suplay ng highland vegetables na inaangkat mula sa probinsiya gaya ng Benguet.
Ayon sa ulat ni Jasmine Gabriel ng GMA-Dagupan, lumitaw sa huling tala na umabot sa P9 milyon ang halaga ng mga napinsalang pananim sa mga sakahan sa Benguet.
Dahil dito, pinangangambahan ng awtoridad na magtaas ang presyo ng gulay sa mga susunod na araw.
Ayon kay Benguet Gov. Nestor Fongwan, “Ang kukulangin would be a month later. Yung mga magma-mature one month from now, 'yon ang nasira ngayon.”
Nararanasan na ngayon ang pagtaas ng presyo na ito sa Benguet, na umabot sa P5 hanggang P20 ang pagtaas ng presyo ng gulay.
Samantala, nangamatay naman ang mga isda sa ilang palaisdaan sa Dagupan City kasunod ng posibleng pagkahalo ng tubig baha sa mga fish pond.
Ayon kay Dr. Westly Rosario, Interim Executive Director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nababago ang salinity ng tubig kapag nahahalo ang baha sa mga palaisdaan, na maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng mga isda.
Bukod dito, problema rin ng mga mangingisda ang pag-apaw ng tubig sa mga fish pond.
Ayon kay Arnel Landingan, isang mangingisda, “Bale (dahil sa) tubig baha, nagkakawalaan yung mga bangus. Yung isang fish pond doon, halos wasak lahat, eh. Nawala lahat.”
May dalawang araw nang maganda ang panahon sa Pangasinan ngunit nananatiling lubog sa baha ang ilan sa mga bayan tulad ng Dagupan at Calasiao, na hanggang dibdib pa rin ang baha.
Patuloy naman ang pag-aabot ng relief goods sa mga nasalantang residente, kasama ang GMA Kapuso Foundation at GMA TV-10 Dagupan.
Ilan sa mga kalsadang matinding napinsala ang kahabaan ng Brgy. Gueguesan at Malanay sa Sta. Barbara, Pangasinan, na inaayos na ng maintenance division ng DPWH simula noong Miyerkules ng umaga. Kailangan na itong gawin upang maiwasan ang mga aksidente sa mga motoristang dumadaan partikular na ang mga palabas ng Metro Manila.
Bukod sa mga relief goods, patuloy rin ang pagdagsa ng mga tao sa PAG-IBIG Fund sa Dagupan City upang mag-avail ng calamity loan, lalo na sa iyong mga residenteng lubusang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad. -- Bianca Rose Dabu, GMA News