'Aswang killer,' nahaharap sa kasong murder sa Bacolod City
Mahaharap sa kasong murder ang isang lalaki na pumatay sa kaniyang 74-anyos na kapitbahay sa Bacolod City na pinaniniwalaan niyang aswang at matagal na umanong nananakot sa kaniya.
Sa ulat ni Erwin Nicavera ng GMA-Bacolod sa Balita Pilipinas Ngayon, iginiit ng kapatid ng biktimang si Leodegario Mana-ay na itutuloy nila ang demanda laban sa nahuling suspek na si Christopher Trocio.
Ayon kay Leo Gerardo, kapatid ng biktima, wala silang lahing aswang at walang katibayan si Trocio na magpapatunay na aswang ang kapatid niya.
Sa piitan, inamin ni Trocio ang ginawang krimen dahil matagal na raw siyang tinatakot ng biktima na nagbabago umano ang anyo at nanlilisik ang mata.
Sinabi sa ulat na lumitaw na lasing ang suspek nang patayin sa bugbog ang matandang biktima.
Napag-alaman din sa pulisya na mismong ang suspek ang nagtungo sa barangay hall para ipaalam ang nangyari sa biktima matapos niya itong paslangin. -- FRJ, GMA News