DepEd: K to 12, susi sa rehiyonal at pandaigdigang kamalayan
Sinisiguro ng Department of Education na makatutulong ang programang K to 12 education system sa mga mag-aaral upang magkaroon ng rehiyonal at pandaigdigang kamalayan, ayon sa isang opisyal ng DepEd.
Sa isang pulong sa University of the Philippines noong nakaraang Biyernes, inihayag ni Cristina Chioco, education program specialist ng Bureau of Secondary Education ng DepEd, na sa ilalim ng programang K to 12, makapagtatapos ang mga mag-aaral na mayroong malawak na kaalaman, hindi lamang sa kalakaran at kultura ng ating bansa kundi pati na rin sa Asya at sa buong daigdig.
"Pagdating ng Grade 10, ang target natin ay ang pagkakaroon ng "global awareness" at magkaroon ng cultural literacy ang mga bata, kaya nag-start tayo sa regions, national, Asian, and world," aniya.
Paliwanag niya, pag-aaralan ang mga rehiyonal na leksyon sa Grade 7, pambansa sa Grade 8, Asian sa Grade 9, at pandaigdigan naman sa Grade 10.
Ayon sa kanya, gagamitin ang literatura sa pagpapakilala sa kultura ng bayan at sa ibang bansa.
Karamihan sa mga gagamiting libro ay maaaring isalin sa wikang kinagisnan ng mga mag-aaral, aniya.
Dagdag niya, sa pag-aaral ng regional literature, mabibigyang pansin ang mga akdang hindi pa nailalathala, ngunit naging makabuluhan para sa isang bayan o probinsya.
"Ang sinasabi naming regional literature, ito ang mga akdang epiko, alamat, mga pabula na walang may-akda... hindi nailathala. 'Yung mga kino-consider naming mga national literature, ito ang mga literature na lumaganap, nakilala ng mga panahon ng katutubo hanggang sa Commonwealth government. Iyon ang nakita namin na pagkakaiba," paliwanag niya.
Grades 11 at 12
Ayon kay Chioco, sa pagtungtong ng mga mag-aaral sa Grades 11 at 12, sasanayin sila upang umabot ang kanilang kakayahan sa propesyunal na lebel.
"Kapag lumabas ang bata, dapat mayroon na talaga siyang (kaalaman), hindi lang ginagamit sa ordinaryong talastasan, kun 'di propesyunal level na ang kakayahan [nila]," aniya.
"I-expect natin na kapag ang bata ay graduate ng Grade 10, nalinang na ang course skill na 'yon, dapat," dagdag niya. "Kapag 11 and 12, higher na ang level nila dahil ang alam ko, ang focus ng pagtuturo ng 11 ay research na, pananaliksik, hindi na siya panitikan. Iba't ibang akademikong basahin na."
Dahil dito, aniya, kakailanganin ng DepEd ang mga guro na papasa sa kanilang academic standard.
"Inaayos pa ng DepEd iyon, kasi 'yung magtuturo ng Grades 11 and 12, hindi pwedeng galing dito sa baba, sa grades 7-10. Dapat manging doon (sa kolehiyo), kasi may academic requirements na dapat natapos nila. Pangalawa, dapat at least may two-year experience na related sa subject. 'Yung mga teacher natin sa basic education ng Grades 7-10, hindi pa ganoon. Kaya dito siya kukuha sa taas," aniya.
Dagdag niya, hindi rin umano dapat mabahala ang mga guro sa mga kolehiyo at unibersidad na apektado sa paglilipat ng ilang general education na asignatura sa mas mababang antas ng pag-aaral. [Basahin din ang artikulong Dapat bang alisin na ang asignaturang Filipino...?]
"'Yung mawawalan sa taas, binaba mo lang ang general education e," aniya. "Basta, kailangan talaga ng specialty para makapagturo sa Grades 11 and 12."
Dagdag niya, kapag mas mataas ang kwalipikasyon ang hinihingi, "dapat mas mataas ang salary grade, inaayos na ito ng DepEd."
Kasalukuyang tinututulan ng ilang guro ang desisyon ng Commission on Higher Education (CHED) na alisin na ang asignaturang Filipino sa kurikulum ng mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas.
Sa katunayan, binuo ang "Tanggol Wika," isang alyansang binubuo ng mga guro at indibidwal na umaalma sa pag-aalis ng asignaturang Filipino.
Sa isang panayam, inihayag ni David Michael San Juan, propesor sa departamento ng Filipino sa De La Salle University, at isa sa mga pinuno ng alyansa, nanganganib na bumaba ang kalidad ng wikang pambansa kapag inalis ang asignaturang Filipino sa mas mataas na antas ng edukasyon.
"Bata pa ang wikang pambansa at hindi pa ito ganap na intelektwalisado o nagagamit sa iba’t ibang larangan," ani San Juan.
"Upang maging ganap ang intelektwalisasyon nito, nararapat lamang na pagbutihin at palawakin pa ang pagtuturo nito sa lahat ng antas, lalo na sa kolehiyo," dagdag niya.
Ayon pa sa propesor, kinakailangang gawing mandatory ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa mga kolehiyo at unibersidad dahil "kung iaasa sa mga unibersidad ang opsiyonal na pagkakaroon nito, malabong magkaroon ito ng espasyo sa kurikulum." — LBG, GMA News