Filtered By: Topstories
News

DepEd, kinondena ang pamamaril sa paaralan sa Pangasinan


Kinondena ng Department of Education (DepEd) ang nangyaring pamamaril sa Pangasinan National High School (PNHS) sa Lingayen, Pangasinan, at ang lahat ng uri ng karahasan sa paaralan.

Sa isang pahayag nitong Martes, nagpaabot ng nakikiramay ang DepEd sa pamilya ng mga tatlong guro na nasawi sa pamamaril na kagagawan umano ng isang pulis na naniningil ng pautang.

“We are one with them in this time of bereavement and are deeply saddened as we count, among those killed, our very own teachers and members of the DepEd family,” nakasaad sa pahayag.

Iginiit din ng DepEd na walang puwang ang karahasan sa loob ng mga eskwelahan.



Anila, isang mapayapang pook ang ekswelahan kung saan pinahahalagahan ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at lahat ng mga tauhan nito.

Nakikipagtulungan ngayon ang DepEd sa mga ahensya na nag-iimbestiga sa insidente, at sisiguraduhin daw nila na mananaig ang katarungan.

Magsasagawa rin ng psychological interventions ang kagawaran sa PNHS.

“We commit to foster a sense of normalcy by providing the necessary psychological interventions to the community of PNHS,” ayon sa DepEd.

Sa isang ulat naman sa GMA news 24 Oras, tiniyak ng pamunuan ng PNP-Pangasinan na pinakamabigat na asunto ang irerekomenda nila laban sa namaril na pulis na si PO2 Domino Alipio.

Samantala, inihayag naman ng Alliance of Concerned Teachers, na ang nangyari sa Pangasinan ay malungkot daw na paalala na maraming public school teachers ang nababaon sa utang para may maipangtustos sa araw-araw dahil sa maliit na sahod. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News