Filtered By: Topstories
News

May dugong Pinoy na napabilang sa 'Teenage Mutant Ninja Turtles' movies


Humahataw ngayon sa takilya ang bagong Hollywood movie na "Teenage Mutant Ninja Turtles." Pero alam niyo ba na sa mga naunang pelikulang lumabas tungkol sa mga ninja turtle noong 1990's, isang may dugong Pinoy ang nakasali?

Unang gumanap bilang stunt double ng ninja turtle na si "Donatello" noong 1990 ang may dugong Pinoy na si Ernie Reyes, Jr., isang aktor sa Amerika at tunay na martial artist, at isinilang sa San Jose, California noong Enero 15, 1972.

Ang lolo ni Ernie ay isang Pinoy na nagpunta at nanirahan sa Amerika.

Sa sumunod na taon (1991), isa pang sequel ang ginawa sa TMNT na "Secret of the Ooze,"  at ginampanan naman dito ni Ernie ang karakter ng pizza delivery boy na si Keno.

Kabilang din sa pelikulang nagawa ni Ernie ay ang "Red Sonja" noong 1985 kung saan ginampanan niya ang papel bilang prinsipe. Nakasama niya rito sina Arnold Schwarzenegger at Brigitte Nielsen.

Naging bida rin siya sa "Surf Ninjas" noong 1993, at nakasama sa ilan pang Hollywood movies katulad ng "White Wolves II", "The Process", "Rush Hours 2" at "The Rundown." -- FRJimenez, GMA News


Tags: pinoytrivia