'Shabu sandwich': Droga, inipit sa tasty bread para maipasok sa isang kulungan
Kung may nakaisip na ipalaman sa sikat na tinapay na "torta" ang shabu sa Cebu City, ngayon naman, ipinalaman at mistulang gumawa ng sandwich ang nagtutulak ng iligal na droga matapos na iipit sa tasty bread ang hinihinalang shabu para maipasok sa isang kulungan sa Davao City.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, nabisto ng mga awtoridad ang taktikang "shabu sandwich" ng isang lalaki na ibibigay sana sa isang nakakulong sa Talomo Police Station sa Davao City.
Basahin: Para-paraan: Shabu, ipinalaman sa tinapay sa Cebu; inilagay naman sa sandals sa Davao
Ayon sa pulisya, natuklasan nila ang hinihinalang shabu nang inspeksyunin ang tinapay na dala ng isang lalaki at makita ang nakaipit na mga pakete ng hinihinalang shabu.
Bukod sa droga nahulihan din ng drug paraphernalia ang suspek, na isa umanong kilalang tulak ng droga sa lugar.
Sa Bacolod City naman, isang lalaki rin ang inaresto matapos mahulihan din ng droga sa isang checkpoint.
Sa naturang ulat, nakuha sa suspek ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu na hawak-hawak pa nito nang masita ng mga awtoridad.
Sa Cagayan de Oro City, pitong pekete rin ng hinihinalang shabu ang nahuli sa tatlong lalaki sa isinagawang buybust operation sa Barangay Puerto.
Ayon sa pulisya, nagkakahalaga ng halos P50,000 ang nahuli sa mga suspek. Pero itinanggi ng mga suspek na sa kanila ang mga nakumpiskang droga. -- BRDabu/FRJ, GMA News