Filtered By: Topstories
News

Galing sa hirap, nagsumikap, hindi yumaman pero nagbago ang estado ng buhay


(Through Facebook, Arteopatrick Bello commented on our Talakayan piece entitled, "Sino ang 'mahirap sa Pilipinas? Unawain ang datos ng SWS at Census". His comment was written well and made a lot of sense and so we repost it here with his permission.)

Anak ako ng magsasaka at laki sa bukid.

Halos mabalian ka na ng buto sa kakatrabaho kakarampot lang ang kita pag nagbenta ka na ng produkto mo. Inaabot ng isang linggo ang pagkokopra bago ito maibenta, ngunit kakaunti lang pala ang halaga ng pinaghirapan mo.

Ilang buwan ang hihintayin mo para mamunga ang mga mais bago mo ito pakinabangan, minsan binabagyo pa, tapos ang mura pa kapag ibinenta.

Minsan naiinis ang tatay ko sa tuwing nagbebenta ng kamote at saging sa palengke dahil sa napakababang halaga, tatawaran ka pa. Kulang na lang, hingin sa'yo ang pinagpaguran mo.
 
Ipinanganak na kaming mahirap. Lumaki sa sakahan sa liblib na lugar sa Albay. Minsan bago pa man lumitaw ang araw, naglalakad na kami papunta sa bukid at sinasamantala ang oras bago pa maging tirik ang sikat ng araw.

Ngunit kadalasan, tirik na ang araw, nakabilad pa rin kami sa sakahan, naliligo sa pawis at nauuhaw. Kayod kalabaw ngunit lagi pa ring kulang ang gastusin sa araw-araw. Sa murang edad ko naranasan ko na ang mapagod ng sobra-sobra. Pagod na tila wala namang kapalit. Ngunit hindi kailanman sumagi sa isip ko na mag-makaawa sa gobyerno. 
 
Minsan, sa gitna ng bukirin, sa ilalim ng puno, napapaisip ako at nangangarap.

Sabi ko sa sarili ko: hindi dapat ganito habambuhay. Iniisip ko na sana makarating rin ako sa Maynila at magtrabaho sa isang opisina.

Gusto kong maranasan ang tumanggap ng sahod sa kalagitnaan at katapusan ng buwan. Ito lagi ang nakatatak sa isip ko habang nagbubungkal ako ng lupain sa bukid.
 
Pinagbuti ko ang pag-aaral kahit kulang ang aking mga kagamitan. Dahil kulang sa pera, pinare-recycle ng nanay ko ang mga di nagamit na pahina ng mga lumang notebook para muling magamit.

Minsan, tinanong pa nga ako ng isang kaklase ko kung bakit daw hindi ko pa pinapalitan ang lumang-luma ng back-pack ko. Ano pa ba ang isasagot ko? Bigyan mo ng pambili para mapalitan.
 
Malayo ang paaralan sa bahay namin. Kulang ang isang oras para lakarin ito. Minsan ay parang nakakahiya na habang mag-isa akong naglalakad ay bigla na lamang dadaan ang tricycle na puno ng mga estudyante rin at nakatingin sa akin.

Mabuti pa sila at may pera. Hindi pagod ang paa. Ngunit anong magagawa ko, eh wala nga akong pamasahe. Kaysa naman magbilad sa bukid, tiniis ko na lang para makapag-aral. Yun kasi ang sabi ng nanay ko. Kung ayaw na raw mag-aral, eh sa bukid na lang. Eh ayaw ko nga ng laging ganun na lang. 
 
Dahil sa layo ng aking nilalakbay, bago pa man mag-umpisa ang klase ay pagod na ang aking katawan.

Mabuti na lang at hindi naman nahuhuli ang aking isipan kung leksyon ang pag-uusapan. Lakad sa umaga, lakad sa hapon, para lang makapag-aral. Minsan, aabutan pa ng ulan sa kalagitnaan ng daan na wala man lang masilungan. 
 
Tunay nga na larawan na ng kahirapan ang aking pinagdaanan.

Gayunpaman, minsan iniisip ko na lang na kahit papaano masuwerte pa rin ako dahil napapag-aral ako ng aking mga magulang.

Minsan nga, nagiging paksa pa ito ng usapan ng aking mga magulang. Nasaan daw yung mga kaklase kong ayaw maglakad papunta sa paaralan? Hindi ba't hanggang high school lang? 
 
Pagkatapos ng kolehiyo, nakipagsapalaran ako dito sa Manila. Mahirap mag-apply, subalit lakas ng loob ang aking puhunan. Maraming pekeng trabaho at mga manloloko.

Office work daw, ngunit yun pala maglalako ka kung saan-saan. Kumita na ang kompanya dahil naibenta mo na ang produkto nila, pero wala ka pa ring kita dahil hindi ka pa naka-quota. Lokohan 'to. Tinakasan ko ang ganung trabaho at naghanap ng iba. 
 
Nag-apply ako bilang document analyst sa isang BPO company.  Magandang pakinggan pero simple lang namang ang ginagawa. Natanggap ako at sumahod ng 11k per month at ako'y tuwang tuwa na.

Hindi ko naranasang humawak ng "libo" noong nasa probinsya pa ako.  Akala ko totoong masaya ako sa aking kinikita ngunit hindi pala. Pambayad pa lang sa boarding-house halos kalahati na ng sahod ko sa kinsenas ang nawala.

Ganunpaman, minahal ko pa rin ang trabaho ko, hindi nag-aabsent at hindi nagpapa-late. Nag o-overtime kung puwede. Hindi ko ramdam ang pagod dahil sanay ako dun. Wala yun kumpara sa pagod na naranasan ko sa bukid.
 
Nasa Parañaque ang kumpanyang pinapasukan kong iyon. Hanggang sa mabalitaan kong maraming kompanyang matataas magpasahod sa Makati, kaya sinubukan ko makipagsapalaran uli.

Application na naman, interview na naman. May discrimination pa minsan. May kompanya pa nga na kasama sa kwalipikasyong hinahanap ay, "Must be a graguate of a reputable school".

Ang yayabang ng mga graduate ng mga sikat na school dito sa Manila. Akala nila sila na ang pinakamagagaling. Nasa reception pa lang, panay English na. Sa pananamit pa lang, pakiramdam ko ako ay "out na". Ngunit hindi ako umurong. 
 
Ang hirap na dinanas ko sa bukid ang nagtutulak sa akin upang makipaglaban sa mga hamon sa buhay. Natanggap ako sa isang kumpanya. Nagsimula sa 15K ang sahod ko dito, at naging 16K, at naging 22K at naging 27k hangang sa 29K na ngayon bawat buwan. 
 
Maganda raw ang performance ko kaya binigyan ako ng kompanya ng bonus na katumbas ng isang buwang sahod nitong nakalipas na dalawang magkasunod na Pasko. Nagbunga rin ang aking pinaghirapan. 
 
Ilang taon na rin ang lumipas mula ng iwanan ko ang pagsasaka. Hindi pa man tuluyang inaabandona ng tatay ko ang pagbungkal ng lupain, ngunit hindi na katulad ng dati ang paghihirap nya.

Para sa kanya, isa na lang itong libangan at pampalipas oras. Masaya ang mga magulang ko sa tuwing aabutan ko ng pera. 
 
Sikap at tiyaga lang talaga ang kailangan para mabago ang ating buhay.

Huwag masyado umasa sa gobyerno. Tayo ang may full control ng buhay natin. Kung tulungan tayo ng gobyerno, eh di salamat. Kung hindi, eh di magsikap pa rin.

Hindi man kami yumaman, kahit papano ay nagbago rin ang estado ng aming buhay.
 
Paulit-ulit na nating nababasa o napapanood ang mga balita tungkol sa mga datos ng kahirapan at kawalan ng trabaho sa ating bansa at marami sa atin ang nagpupuyos ang galit sa gobyerno dahil sa kanilang kalagayan ngayon.

Marahil, may pagkukulang ang gobyerno hinggil sa pagtugon dito, pero sana naman ay huwag natin ibunton lahat ng sisi sa pamahalaan.

Tayo ang may pinakamalaking papel sa buhay natin, kaya dapat tayo mas higit na umasa at magtiwala sa ating kakayahan at hindi sa tulong ng iba.

--

"Arteopatrick Bello", son of a farmer, hails from Albay province, and is a Communication Arts (Major in Journalism) graduate from Bicol University. He now works as a team leader in a private firm engaged in the gaming industry.