2 magsasaka sa Ilocos Norte, patay sa tama ng kidlat; alamin kung papaano makaiiwas sa kidlat
Dalawang magsasaka ang nasawi sa Pasuqui, Ilocos Norte matapos silang tamaan ng kidlat habang nasa bukid. Pero papaano nga ba makaiiwas sa disgrasyang ito?
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabi magtatanim lang sana palay ang mga nasawing biktima kasama ang siyam pang kapwa magsasaka nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Nagtakbuhan umano ang mga magsasaka para sumilong pero inabutan pa rin sila ng kidlat.
Ang ibang nakaligtas sa kidlat, nagtamo ng mga galos at sugat sa katawan.
Ayon sa nakaligtas na si Eddie Villanueva, hindi na raw muna sila babalik sa bukid dulot ng takot na baka maulit ang insidente.
Isang linggo na rin ang nakalilipas nang makidlatan din ang dalawang lalaking magpinsan sa San Juan, Ilocos Sur.
Nasawi ang isa sa kanila.
Nangunguha ng damo para sana sa alagang hayop ang magpinsan nang mangyari ang pagtama ng kidlat.
Nasunog at naputol pa ang puno ng saging na malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Pero paano nga ba nabubuo ang mga ito?
Paliwanag ni Alvin Pura, weather forecaster ng Pagsa, "'Pag mayroon tayong thunderstorm clouds, nagkakaroon ng mga electrical charges 'yan dahil sa convection o pagbuo ng water particles natin, so nagkikiskisan yan."
Patuloy niya, "'Pag yung charged particles na yun, ine-equalize niya yung sarili niya, lumilipat yung charge from positive to negative."
Ayon sa ulat, kaakibat ng kidlat ang malakas na hangin at ulan. At sa lakas ng enerhiyang dala nito, hindi raw ito dapat na binabalewala.
Bago pa man umano dumating ang bagyo o malakas na ulan, siguraduhing laging nakamonitor sa radyo o telebisyon ng magiging direksyon ng masamang panahon.
Mas makabubuti ring manatili na lamang sa bahay kung hindi naman importante ang pupuntahan.
Sakali namang abutan na sa labas ng bahay, sumilong sa mababang puno o bakod na walang bahagi o parte na bakal.
Iwasan din umano ang lugar na posibleng abutan ng baha.
Isang indikasyon din daw kung malapit nang kumidlat ay kung mararamdaman ang pagtaas ng mga balahibo.
Sa ganitong sitwasyon, dapat baluktutin ang katawan sa sahig.
Ligtas naman daw hawakan o buhatin ang sinumang tinamaan ng kidlat kaya siguruhing agad silang madala sa pagamutan. -- FRJ, GMA News