Panibagong historical marker ng Iglesia Ni Cristo, pinasinayaan
Bilang bahagi sa selebrasyon ng ika-100 anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo, isang makasaysayang marker na may official seal ng INC ang pinasinayaan noong Biyernes ng National Historical Commission of the Philippines sa loob ng INC Central Office Complex sa Quezon City.
Ang seremonya ay pinangunahan nina NHCP Executive Director Ludovico D. Badoy at INC Executive Minister Brother Eduardo V. Manalo.
Ang historical marker ay may pamagat na “Iglesia Ni Cristo” kung saan nakasaad sa palatandaan nito ang naging kontribusyon ng INC sa kasaysayan ng Pilipinas.
“We are grateful for this recognition by the Philippine government to the Iglesia Ni Cristo for its contributions to the advancement of the moral and spiritual welfare of many Filipinos, as well as in molding its members to become responsible and good citizens,” ayon sa talumpati ni Ka Eduardo.
Pinasalamatan din ng Executive Minister si Pangulong Aquino dahil sa paglagda sa Proclamation No. 815, na nagdedeklara sa taong 2014 bilang Iglesia Ni Cristo Centennial Year, maging ang Kongreso, mga local na opisyal sa pagpasa ng mga resolusyon na kumikilala sa naiambag ng Iglesia Ni Cristo sa mga Pilipino.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Director Badoy na hindi mabubuo ang kasaysayan ng Pilipinas kung hindi mababanggit ang mga naiambag ng Iglesia Ni Cristo.
Ipinagkaloob ng INC sa NHCP ang certificate of transfer ng historical marker kasabay ng paglagda sa kasunduan na ang INC ang mangangalaga sa marker.
Centennial
Samantala, pangungunahan ni Ka Eduardo ang isang tanging pagsamba ng milyong kaanib ng INC na magtutungo sa Ciudad de Victoria sa July 27, alas-7 ng umaga bilang paunang opisyal na aktibidad ng centennial ng INC gamit ang bagong Philippine Arena matapos itong pasinayaan noong Lunes.
Ang nasabing tanging pagsamba ay mapapanood at masasaksihan din sa may 100 karagdagang sites sa Pilipinas at sa ibang bansa sa pamamagitan ng satellite link.
Kabilang sa magiging highlight ng pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo bukas ay ang pagtanggap ng Iglesia Ni Cristo ng panibagong pagkilala mula sa Guinness Book of World Record dahil sa naipatayong Philippine Arena, ang pinakamalaking indoor arena sa buong mundo na may seating capacity na 55,000.
Ang Ciudad de Victoria ang sentro ng pagdiriwang ng INC centennial kung saan ang mga programang inihanda para sa mga kapatid na dadalo ay tatagal ng isang lingo. — Linda Bohol /LBG, GMA News