Filtered By: Topstories
News

Pygmy killer whale, nakitang patay sa baybayin ng Talisay, Cebu


Isang Pygmy killer whale na may habang 2.6 meters ang nakitang patay sa baybayin ng Talisay City sa lalawigan ng Cebu. Paniwala ng mga awtoridad, posibleng may sakit ang balyena at hindi nito kinaya ang malalaking alon kaya napunta sa dalampasigan.

Sa ulat ni Randy Gullon ng GMA-Cebu sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing nakita ang sugatang balyena dakong 6:00 pm nitong Miyerkules.

Sinubukan pa umanong sagipin ng Fishermen Sea and Ecological Care (Fiseca) na sagipin ang balyena pero huli na.



Bagaman may nakitang mga sugat ang balyena, sinabi ni Fernanda Real Gonzales, secretary ng Fiseca, na hindi dapat na isipin kaagad na ang mga mangingisda ang naging dahilan nito.

Aniya, masyadong malalakas ang alon nang panahong napadpad sa baybayin ang balyena dahil na rin sa masamang panahon.

Maaari umanong may karamdaman ang balyena at hindi nito kinaya ang malalaking alon hanggang sa napadpad sa dalampasigan ng Talisay.

Pero para makatiyak, ipasusuri daw nila sa eksperto ang nangyari sa balyena. -- FRJ, GMA News