Filtered by: Topstories
News

15-anyos na lalaki, patay sa pamamaril ng isang abogado sa Ilocos Sur


Isang menor de edad na lalaki ang nasawi matapos barilin ng isang abogado sa Sto. Domingo Ilocos Sur. Giit naman ng suspek, ipinagtanggol lang niya ang sarili sa ginawang pambabato ng biktima at mga kasama nito.

Sa ulat ni George Guerrero ng GMA Ilocos sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing hindi na naitago ni Gemma Rayray ang kaniyang galit dahil sa sinapit ng 15-anyos niyang anak na si Gelvin Quines.

Namatay ang binatilyo matapos na barilin umano ng abogadong si Jeofrey Alapot sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.

Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa kaliwang pisngi na tumagos sa tainga.



Ayon sa kasama ng biktima, sinamahan nila ang isa pa nilang kabarkada sa bahay ni Alapot.

Pinagbabato raw ng bote ng grupo ni Quines ang bahay ng abogado.

Galit daw ang grupo kay Alapot dahil tutol daw ito sa pakikipagrelasyon ng kanyang pamangkin sa isang kaibigan ni Quines.

Naaktuhan ng abogado ang ginawa ng grupo ni Quines kaya pinagbabaril niya ang mga ito.

Isa pang kasamahan ng biktima ang tinamaan ng bala at nagpapagaling ngayon sa ospital.

Pero base sa salaysay ng suspek sa pulisya, ipinagtanggol lang daw niya ang sarili matapos na tamaan sa ulo ng ibinato ng grupo ni Quines.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag sa media ang suspek.

Nakuha mula sa crime scene ang ilang basyo ng kalibre kuwarentay singkong baril.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek.

Pinag-aaralan din kung sasampahan ng reklamo ang mga kasamahan ng biktima na nambato sa bahay ng abogado. -- FRJ, GMA News

Tags: ilocoscrime