Dahil sa kulang na bayad sa serbisyo, bangkay ng bata, binawi ng punerarya
Mahigit isang linggo makaraang masawi ang isang pitong- taong-gulang na lalaki nang malunod sa isang estero sa Maynila, patuloy ang kalbaryo ng mga kaanak nito matapos bawiin ng punerarya ang bangkay ng bata dahil sa kawalan nila ng pera na pambayad sa serbisyo.
Sa ulat ni Hadji Rieta sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nabulabog ang lamay ng bata matapos na kunin ng punerarya ang bangkay nang hindi nila maibigay ang balanse sa serbisyo.
Ayon kay Annabelle Guisangge, wala siya sa bahay nang kunin ng punerarya ang bangkay ng kaniyang nasawing anak na si Jonard Pinochio. Naghahanap daw siya ng pera na pandagdag sanang pambayad sa serbisyo.
Humihingi raw ng P10,000 ang punerarya pero hirap silang makuha ang naturang halaga dahil pangangalakal lamang ng basura ang kanilang ikinabubuhay.
Napag-alaman na P14,000 ang balense ng pamilya sa Saint Rich Funeral Service. At dahil sa kawalan ng pera, umabot na ng 10 araw ang burol ng bata.
Pinuntahan ng GMA News ang morgue kung saan dinala ang bangkay. Pero ayon sa isang trabahador, wala raw siyang alam kung bakit dinala sa kanila ang bangkay.
Dakong 1:00 a.m., napasugod si Manila vice mayor Isko Moreno sa lugar kung saan ibinurol si Jonard.
Nakarating daw sa kanya ang sitwasyon ng pamilya.
Nangako si Moreno sa pamilya na sasagutin na ang gastusin sa libing ng bata.
Papaimbestigahan din nito ang punerarya kung lihitimo ang operasyon.
Ilang oras makaraang kausapin ni Moreno sa telepono ang punerarya, naibalik na sa lugar ang bangkay at muling pinaglamayan.
Labis naman ang pasasalamat ng ina ng bata kay Moreno at inaasahang maililibing na ang anak sa Miyerkules. -- FRJ, GMA News