Unang 'First Lady' ng Pilipinas
Alam niyo ba na ang itinuturing kauna-unahang Unang Ginang ng Pilipinas ay siya ring naging kauna-unahang pinuno ng Philippine Red Cross (PRC).
Si Hilaria del Rosario na tubong Cavite ang unang asawa ng kinikilalang unang Pangulo ng bansa na si Heneral Emilio Aguinaldo.
Kasabay ng pagsalubong sa bagong taon nang Ikinasal ang dalawa noong Enero 1, 1896.
Bilang suporta sa kaniyang asawa at makatulong sa mga kababayan na pakikipaglaban sa mga mananakop na dayuhan, itinatag ni Hilaria ang Hijas de la Revolución. At nang maaprubahan ng Malolos Republic ang iminungkahi ni Apolinario Mabini na National Association of the Red Cross (na kilala na ngayon bilang Philippine Red Cross) noong 1899, hinirang na pangulo nito si Hilaria.
Tinatayang nasa edad 44 lamang nang pumanaw si Hilaria dahil sa sakit na leprosy noong March 1921. Naiwan niya ang limang anak nila ni Aguinaldo.
Siyam na taon makalipas pumanaw si Hilaria, muling nag-asawa si Aguinaldo nang pakasalan niya si Maria Agoncillo, pamangkin ni Felipe Agoncillo. -- FRJ, GMA News