Sanggol na babae ng nakitang nakabalot sa t-shirt at dahon ng gabi sa damuhan, nabuhay
Isang bagong silang na sanggol ang nakita sa damuhan na malapit sa isang simbahan sa Davao city. Hindi pa napuputol ang pusod ng bata na ibinalot lang sa t-shirt at dahon ng gabi.
Sa ulat ni Helen Villegas Quiñanola ng GMA-Davao sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabing ilang mag-aaral na napadaan malapit sa isang simbahan sa barangay Tugbok nitong Martes ang nagulat nang makita ang sanggol.
Ayon kay Rap Albert Gallano, kaagad niyang kinuha ang sanggol nang makitang buhay pa ito bagaman nanginginig at nangingitim na ang bata.
Isang nurse naman ang tumulong para maputol ang pusod nito.
Ipinagbigay-alam din nila sa pulisya ang pagkakakita sa sanggol.
Inaaalam na kung sino ang ina ng bata at kung sino ang nag-iwan dito sa damuhan para managot.
Mabuti na ang kondisyon ng bata na nananatili sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). -- FRJ, GMA News