Bagong mapa ng China, minaliit ng Palasyo; tinawag na 'drawing' lang
Para sa Malacañang, isa lamang "drawing" ang bagong mapa ng China na nagpapakita ng mas malawak nilang sakop sa pinag-aagawang bahagi ng West Philippine (South China) Sea.
“Iyong drinowing [drawing] kasi nila -- dati nine-dash line, ngayon ay 10-dash na raw. Mayroong batayan sa kasaysayan na noong panahon ng nakaraang rehimen sa Tsina, yung Chiang Kai-shek regime, 11-dash line dati 'yon. Iyong 11 naging nine, tapos ngayon 10,” paliwanag ni Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma Jr. sa pulong balitaan nitong Huwebes.
Ang tinutukoy ni Coloma ay ang nine-dash map ng China na nagpapakita ng siyam na guhit o dotted lines na paikot sa West Philippine Sea. Halos buong bahagi ng naturang karagatan ang inaangkin ng China sa naturang mapa.
Nagkakainitan ang Pilipinas at China dahil sa overlapping claims sa bahagi ng naturang karagatan. Mataas din ang tensiyon sa China at Vietnam dahil din sa katulad na usapin ng teritoryo.
“To put it simply... dino-drawing lang nila 'yon. Lahat naman ng drawing na 'yan ay nasu-supersede na nung UN Convention on the Law of the Sea,” giit ni Coloma na nagsabi ring hindi sapat ang drawing para patunayan ng China ang kanilang inaangkin.
“Iyan din ang posisyon ng iba’t ibang mga bansa na mayroong claims to maritime entitlements in the South China Sea or West Philippine Sea, na hindi naman puwedeng ibatay sa drawing,” dagdag ng opisyal.
Nitong Miyerkules, tinawag ni Foreign Affairs spokesman Charles Jose ang bagong mapa ng China na, “unreasonably expansive claim that is clearly contrary to international law and UNCLOS.”
Sinabi naman ni Coloma na hindi nakatutulong sa regional stability ang inilalabas na mapa ng China. Gayunman, naninindigan umano ang Pilipinas na resolbahin sa mapayapang paraan ang usapin sa agawan ng teritoryo.
“Kahit naman isinagawa nila 'yan, patuloy pa rin naman tayo sa ating adhikain na kinakailangang maging mapayapa at alinsunod sa mga prosesong diplomatiko at legal ang dapat na umiral sa mga usaping yan,” ani Coloma.
“Kaya nga ang panawagan ng mga signatories dito ay yung paggalang sa mga probisyon ng UN Convention on the Law of the Sea. Kaya nga’t nagsumite tayo ng isang petisyon sa arbitral tribunal para nga maresolba ito,” dagdag niya.— FRJ, GMA News