Dapat bang alisin na ang asignaturang Filipino sa mga kolehiyo at unibersidad?
Tinutulan ng ilang guro ang desisyon ng Commission on Education (CHED) na alisin na ang asignaturang Filipino sa kurikulum ng mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas.
Binuo nitong Sabado ang "Tanggol Wika," isang alyansang binubuo ng mga guro at indibidwal na umaalma sa pag-aalis ng asignaturang Filipino.
Sa isang panayam, inihayag ni David Michael San Juan, propesor sa departamento ng Filipino sa De La Salle University, at isa sa mga pinuno ng alyansa, nanganganib na bumaba ang kalidad ng wikang pambansa kapag inalis ang asignaturang Filipino sa mas mataas na antas ng edukasyon.
"Bata pa ang wikang pambansa at hindi pa ito ganap na intelektwalisado o nagagamit sa iba’t ibang larangan," ani San Juan.
"Upang maging ganap ang intelektwalisasyon nito, nararapat lamang na pagbutihin at palawakin pa ang pagtuturo nito sa lahat ng antas, lalo na sa kolehiyo," dagdag niya.
Ayon pa sa propesor, kinakailangang gawing mandatory ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa mga kolehiyo at unibersidad dahil "kung iaasa sa mga unibersidad ang opsiyonal na pagkakaroon nito, malabong magkaroon ito ng espasyo sa kurikulum."
Kinakailangan rin umanong magkaroon ng matibay na wikang pambansa, kultura at pagkakakilanlan ang bansa para sa napipintong ASEAN integration.
"Mahalagang ambag sa edukasyong sosyo-kultural ng maraming estudyanteng inaasahang darating at mag-aaral sa Pilipinas mula sa mga kasapi ng ASEAN, ang asignatura sa wika, kultura at identidad ng Pilipinas," aniya.
Senior high school
Sa hiwalay na panayam, nilinaw ni CHED executive director Atty. Julito Vitriolo na hindi umano tuluyang aalisin ang asignaturang Filipino sa edukasyon dahil inililipat lamang ito sa senior high school.
"Yung pag-aaral ng Filipino, nandoon na sa senior high school, kasi kung titingnan natin, kalahati ng general education, dinownload [download] sa K to 12," paliwanag niya.
Inihayag rin ng opisyal na maaaring lumipat ang ilang guro sa senior high school upang maipagpatuloy ang pagtuturo.
"Sa mga pagtuturo, kung ang worry nila yung mawawalan sila ng gagawin, I'm sure malilipat ang competencies nila sa pagtuturo sa senior high school," ani Vitriolo. "Kasi kung titingnan natin, maraming na-download sa senior high school, halos kalahati. Yung ibang apektado sa college, malamang doon rin pupunta kasi ganoon nga ang nagiging trend."
Subalit, para kay San Juan, hindi mabuting solusyon ang paglilipat ng mga guro sa senior high school. Aniya, may posibilidad na bumaba ang suweldo ng mga ito, kumpara sa kasalukuyang tinatanggap nila.
Mahalaga rin umanong ipagpatuloy ang pagtuturo sa kolehiyo ng wikang Filipino upang magkaroon ng mas intelektwal na talakayan, dagdag niya.
Gayunpaman, iginiit ni Vitriolo na kapag maitatag na ang pundasyon ng wikang Filipino sa senior high school pa lamang, maitataguyod na ito hanggang sa paglaki.
"Dapat ang importante diyan, maging bihasa ka, mahalin mo, itaguyod at tangkilikin mo," aniya. Iyong pag-aaral kasi at pagtataguyod, nasa kahit anong level kasi," paliwanag niya.
"Kung sanay na sanay ka na sa lower years, kung all your life, natuto ka na... Dapat naka-focus na sa major subjects, professional subjects kasi iyan na ang specialization, iyan na ang pagtanggap ng mga bagong pamamaraan, pagdagdag sa kwalipikasyon ng estudyante, lalo kung alam mo na ang basics," dagdag niya.
Samantala, siniguro rin niyang maaari pa umanong mabago ang utos kapag natapos na nilang dinggin ang panig ng mga tutol.
"Magkakaroon ng diskusyon diyan, sa ngayon, wala pang final na pag-uusap diyan at resolution," ani Vitriolo. -- Amanda Fernandez/FRJ, GMA News