Filtered By: Topstories
News

Mga isda sa ilog sa Ilocos Sur, 'di kinaya ang paghalo ng tubig-dagat sa tubig-ilog


Kamatayan ang hatid sa mga isda sa paghalo ng tubig-alat ng dagat sa tubig-tabang ng ilog sa dalawang bayan ng Ilocos Sur dahil sa high tide.
 
Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, sinabing nagrereklamo na sa pagkalugi ang mga nag-aalaga ng isda sa mga baklad sa ilog ng Narvacan at Santa dahil sa pagkamatay ng kanilang mga alaga bunga ng paghalo ng tubig-dagat sa tubig ng ilog.
 
Ang mga mangingisda sa barangay Abuor, Narvacan, halos wala na raw aanihing isda sa ilog sa darating na Setyembre dahil sa pagkamatay ng kanilang mga alagang isda.

 
Ayon kay kapitan Isabeo Arcena Jr., ng Abuor, bagaman pangkaraniwang nagaganap naman ang high tide, hindi raw nila inaasahan ang nangyari ngayon.
 
Dahil sa paghalo ng tubig ng tubig-alat, naging kulay pula umano ang tubig sa ilog. kabilang sa mga isdang namatay dahil sa high tide ang tilapia, hito, dalag at maging karpa.
 
Apektado rin ng high tide ang mga nag-aalaga ng isda sa ilog ng barangay Bucalag sa bayan ng Santa, Ilocos sur.
 
Dahil hindi pa naalis ang mga namatay na isda sa ilog, nagkakaroon na ng masamang amoy sa lugar.
 
Pinag-aaralan naman ngayon ng mga lokal na pamahalaan kung papaano matutulungan ang mga mangingisda. -- FRJ, GMA News