Ex-Agri chief ni Gloria Arroyo, 5 iba pa, inabsuwelto ng Sandiganbayan
Pinawalang-sala ng Sandiganbayan First Division sa kasong katiwalian ang dating kalihim ng Department of Agriculture na si Luis Ramon “Cito” Lorenzo Jr. at iba pang opisyal ng Quedan and Rural Credit Guarantee Corporation (Quedancor) dahil sa kakulangan ng ebidensiyang iprinisenta ng Office of the Ombudsman.
Sa 14-pahinang resolusyon ng anti-graft court, nakasaad na nabigo ang Ombudsman na patunayan na ilegal ang ginawang pagpasok ng Quedancor sa P47.47-milyong kontrata noong 2004.
Ang Quedancor ay isang attached agency sa DA na pinamunuan ni Lorenzo sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Basahin: Gloria Arroyo, lusot sa reklamong graft kaugnay ng fertilizer fund scam
Inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales noong July 2013 ang pagsasampa ng kaso laban kay Lorenzo at limang iba pa sa Sandiganbayan dahil sa umano'y, “undue injury to the government by failing to hold a public bidding for the contract.”
Bukod kay Lorenzo, kapwa akusado nito sa kasong katiwalian sina Quedancor president and CEO Nelson Buenaflor, at Quedancor Governing Board members/representatives Wilfredo Domo-ong, Romeo Lanciola, Nellie Ilas at Jesus Simon.
Ang kaso ay kaugnay sa P47.47-milyong kontrata na ibinigay ng Quedancor sa Metro Livestock Incorporated para sa input supplies gaya ng feeds, medicines, gilts, breeding stocks of hogs at technical assistance sa ilalim ng Swine Program ng DA noong 2004.
Sa inilabas na resolusyon ng Ombudsman, sinabing base sa Commission on Audit (COA) report, nabigo ang Metro Livestock na matupad ang nakasaad sa kontrata sa pagtatapos ng 2005 kahit pa nabayaran na ito ng Quedancor.
Pero ayon sa Sandiganbayan, hindi sapat na basehan ang naturang pagkabigo na maipatupad ang programa para patunayan na ilegal ang pinasok na kontrata ng ahensiya at akusahan ng krimen ang mga inihahabla.
"The Court finds the accused-movant's motion to be impressed with merit. Even if the program was eventually proven unsuccessful, ...the Court is convinced that this was an honest to goodness swine program which had gone wrong in its execution or implementation," ayon sa Sandiganbayan.
Idinagdag pa ng anti-graft na sa ilalim ng Section 9 ng Executive Order No. 423, ang mga government financial institutions tulad ng Quedancor ay hindi obligadong magsagawa ng public bidding, "for transactions in the ordinary course of business.” —FRJ, GMA News