Sen. Jinggoy Estrada: 'Hindi ako natatakot makulong'
Kasabay ng muling paggigiit na wala siyang ginawang kasalanan sa alegasyon ng pagwaldas sa pondo ng kaniyang "pork barrel" fund, inihayag ni Senador Jinggoy Estrada nitong Miyerkules na susuko siya sa mga awtoridad kapag nagpalabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan kaugnay ng kinakaharap na plunder case.
"Hindi ako natatakot makulong. Hindi nila ako kailangang hanapin at kaladkarin kung sakaling ako ay arestuhin. Ako mismo ang susuko sakaling maglabas ang korte ng utos," bahagi ng naging talumpati ni Estrada sa Senado nitong Miyerkules.
Iginiit ng senador na walang katotohanan ang ibinibintang sa kaniya na nagbulsa siya ng pera mula sa alokasyon ng kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), at kasabwat umano ang nakakulong na negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
"Matatag ang aking paninindigan na ako ay walang kasalanan sa mga bintang sa akin. Wala po sa aming angkan ang tahasang di pagsunod sa batas," dagdag nito.
Inakusahan din ni Estrada si Commission on Audit (COA) chair Grace Pulido Tan na binigyan ng paunang impormasyon ang mga kaalyado ng administrasyon sa Kamara de Representantes bago inilabas ang ulat tungkol sa umano'y mga iregularidad sa "pork barrel" funds para sa taong 2007 hanggang 2009.
Sa kaniyang talumpati, inakusahan ng senador at ginawang halimbawa si House Majority Leader Neptali Gonzales II, na gumamit umano ng sariling tanggapan para ipatupad ang pork barrel-funded projects.
"Bakit si Gonzales 'di niya [Tan] naalala kahit na sinabihan at binalaan pa nga niya si Congressman Gonzales dahil opisina niya mismo ang nagpapatupad ng sarili niyang PDAF," ani Estrada.
Ayon pa sa senador, binalaan umano ni Tan si Gonzales tungkol sa “malaking problema" sa PDAF ng kongresista bago inilabas ang COA report.
“Naimbestigahan po ba si Gonzales? Hindi. May kaso po bang sinampa laban sa kanya? Wala. Nakakapagtaka, hindi po ba?” pasaring ni Estrada.
Nauna nang itinanggi ni Gonzales ang mga paratang ni Estrada na gumastos ito ng labis sa isang transaksiyon sa fast food company. Hindi rin umano niya nakatransaksiyon si Napoles.
Agosto 2013 nang ilabas ng COA ang special audit report nito tungkol sa bilyung-bilyong pisong halaga ng pondo mula sa PDAF na napunta umano sa mga kuwestiyunableng organisasyon. Ilan sa mga organisasyon ay sinasabing may itinayo ni Napoles.
Bintang pa ni Estrada, pinag-initan lamang sila at hindi kasamang kinasuhan ang iba pang mambabatas na nasa listahan ng COA report.
"Daan-daan ang mambabatas na nakalista sa kanilang report. Bakit kami lang ang naalala ni Chairman Grace Pulido Tan?" tanong niya.
Inakusahan din ni Estrada si Justice Secretary Leila de Lima at ang Office of the Ombudsman ng pagiging "prejudice and bias" sa mga mambabatas na idinadawit sa alegasyon ng katiwalian.
Mariin naman itinanggi presidential spokesperson Edwin Lacierda ang paratang ni Estrada na pinili lamang ang DOJ ang mga kinasuhan.
"But at the end of the day, his [Estrada's] alleged claim of selective justice is not a matter of defense that can be raised before the court trying his case," nakasaad sa ipinadalang text message ni Lacierda.
Bukod kay Estrada, kinasuhan din kaugnay ng PDAF scandal sina Sens. Juan Ponce Enrile, Bong Revilla Jr., at si Napoles. -- FRJimenez, GMA News