Filtered By: Topstories
News

Kailan iwinagayway ang watawat ng Pilipinas na nakaibabaw ang pula?


Inilalagay ang watawat ng Pilipinas na nakaibabaw ang pula at nasa ilalim ang asul kapag nasa panahon ng pakikigdigma ang bansa. Alam niyo ba kung ilang beses na itong nangyari?

Sa website ng Presidential Museum and Library, sinabing tatlong ulit nang itinaas ang watawat ng Pilipinas na nakaibabaw ang kulay pula.

Una itong naganap noong 1898 nang iutos ni Pangulong Emilio Aguinaldo laban sa pakikidigma ng Pilipinas laban sa Amerika. Nangyari ito ilang buwan makaraang mapalaya ang bansa sa puwersa ng pananakop na Kastila.

Naulit ito noong 1941 nang magpalabas si Pangulong Manuel Quezon ng Executive Order No. 386 dahil sa naganap na ikalawang digmaang pandaigdig.

Sa pagsakop ng bansang Japan sa Pilipinas, nagdeklara rin ang noo'y itinalagang si Pangulong Jose Laurel na nasa state war ang bansa noong 1943.

Samantala, noong Setyembre 2010, humingi ng paumanhin ang Amerika nang mailagay nila ang watawat ng Pilipinas na nakataas ang pula sa ginanap na Association of Southeast Asian Nations sa New York na dinaluhan mismo ni Pangulong Benigno Aquino III.



(Screengrab sa pagkakamali ng Palasyo noong Mayo 2011)

Mayo naman noong 2011 nang humingi ng paumanhin ang Malacañang nang baliktad na mailagay nila ang larawan ng watawat ng Pilipinas sa mismong website ng Tanggapan ng Pangulo na bahagi sana ng selebrasyon ng National Flag Day. -- FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia