ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Isa pang lalaki na namboboso umano gamit ang cellphone, nahuli


Ilang araw matapos madakip sa Maynila ang isang lalaki na namboboso gamit ang camera ng cellphone at ina-upload sa internet ang video, isa na namang lalaki ang nahuling ibini-video sa cellphone ang dalagitang kaniyang sinisilipan habang naliligo sa Nueva Ecija.

Basahin: 'High-tech' na bosero na nambibiktima ng mga kolehiyala sa Maynila, arestado

Sa ulat ng GMA news "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing inaresto ang isang lalaki sa Gabaldon, Nueva Ecija makaraan siyang mahuli mismo ng 17-anyos na babae na kaniyang binobosohan.

Ang naturang dalagita ay napag-alamang anak ng amo ng lalaki.
 
Naliligo raw ang biktima nang makita nito ang suspek na nakasilip sa bintana ng banyo at hawak ang cellphone.

Kaagad naman naaresto ang suspek at nakita sa kaniyang cellphone ang video ng biktima.

Ang naturang video ang ginamit na ebidensya sa pagsasampa ng kaso laban sa lalaki kabilang ang child abuse.

Nitong nakaraang linggo lang, na-huli cam ang high tech na paraan ng pamboboso ng isang lalaki sa Maynila na ang mga biktima ay magagandang estudyante at empleyado.

Aabot sa 76 na babae ang sinasabing nabiktima ng nadakip na suspek na Sonny Boy Pacursa, na ang mga kuha at video sa cellphone ay ina-upload pa raw nito sa internet.

Isinampa na ang reklamong paglabag sa anti-voyeurism law at anti-child pornography act laban kay Pacursa na labis-labis ang paghingi ng tawad sa kaniyang mga naging biktima. -- FRJ, GMA News