Filtered By: Topstories
News

Donasyon sa Simbahan na galing sa iligal na paraan, dapat nga bang isauli?


Dapat umanong isauli ni Monsignor Josefino Ramirez ang cash donations na natanggap nito sa negosyanteng nadadawit sa pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles, ayon sa isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines nitong Biyernes.
 
Ayon kay retired Archbishop Oscar Cruz, Judicial Vicar ng CBCP National Tribunal of Appeals, dapat tanggihan o ibalik ng mga alagad ng Simbahan ang anumang donasyon na galing sa iligal na paraan mula sa nagkaloob nito.
 
“Kahit kailan hindi pwedeng tumanggap ng nakaw (ang mga taga-Simbahan) mula sa Papa hanggang sa sakristan. Oras na malaman mo na galing sa nakaw ang pera, isauli mo kung pwede pa. Kung alam mo na nakaw, malaking kasalanan 'yan,” paliwanag ni Cruz sa panayam ng GMA News TV's “News To Go.”

 
“Kung nu'ng tinanggap mo hindi mo alam pero ngayon alam mo nang nakaw, kailangan mong isauli. Isauli, isauli, isauli,” giit ng arsobispo.
 
Ayon pa kay Cruz, hindi gawain ng pari na mag-usisa kung saan galing ang donasyon dahil makakainsulto ito sa nagbigay. Subalit kung may hinala na baka galing ito sa iligal na gawain, dapat umano itong alamin ng tatanggap at ibalik sa magalang na paraan.
 
Kwento ng dating arsobispo, minsan na rin siyang tumanggi sa perang donasyon dahil sa paniwala niyang galing ito sa iligal na paraan.
 
“Nakipagkita sa akin yung asawa ng politiko, binigyan ako ng tseke na P7 milyon, pinabibigay daw ng kanyang mister. Sabi ko, 'hindi sa minamaliit ko ang tulong n'yo pero hayaan n'yo na ho, 'pag kailangan ko hihingi ako.' Sabi niya tanggapin ko na kasi wala naman makakaalam, sabi ko kaso alam ko po e. Yung isa naman P2 milyon ang binibigay, ganun din [ang] sinagot ko. Pero hindi ako humingi,” paliwanag niya.

Gayunman, hindi pinangalanan ni Cruz ang mga taong kaniyang binanggit.
 
Samantala, sinabi ni Cruz na kung nagamit na ang perang donasyon mula kay Napoles, maaari umanong kausapin ni Ramirez ang arsobispo sa kaniyang lugar para mapag-usapan nila ang posibleng pagsasauli ng donasyon.
 
“Basta kausapin niya yung Arsobispo at sabihin niya ito ang nangyari, yung Arsobispo maaaring magdesisyon na yung pera ng Quiapo kung anuman ang meron dun ay ibalik. Anuman ang ninakaw ay hindi mo pwedeng tanggapin kung alam mong ninakaw,” paliwanag ni Cruz.
 
Sa isang pahayag ni Ramirez na inilabas ng Roman Catholic Archdiocese of Manila nitong Huwebes, inamin nito na nakatanggap siya ng cash donations mula sa Magdalena Luy Lim Foundation ni Napoles.

Paliwanag ni Ramirez, walang iligal sa pagtanggap ng nasabing donasyon na, “in utmost good faith and without any knowledge as to the source of the funds.”
 
Si Magdalena Luy Lim ay ang namayapang ina ni Napoles.
 
Dagdag pa ni Ramirez, nagbigay din si Napoles ng P2 milyon (hindi P2.5 milyan gaya ng unang napaulat) sa Caritas Salve Savings and Livelihood with Values Education Credit, isang micro-finance program sa ilalim ng Caritas Manila.
 
Nakatanggap din umano si Ramirez P434,451 mula kay Napoles para sa pagbiyahe nito sa Rome. Pero ang naturang halaga ay hindi lang para sa kanya kung hindi para rin sa kasama niyang apat na Chinese priest na kumatawan sa China sa World Apostolate Congress of Mercy (WACOM) sa Rome.
 
Tinawagan ng GMA News Online ang Roman Catholic Archdiocese of Manila para makuha ang reaksiyon sa pahayag ni Cruz. Ayon sa isang tauhan dito, hindi sila ang dapat hingan ng komento dahil hindi sa kanila napunta ang donasyon na natanggap ni Ramirez.
 
Hindi na rin umano nila nakakaugnayan si Ramirez dahil nagretiro na ito.
 
Tinawagan din ng GMA News Online ang Quiapo Church kung saan nagsilbi si Ramirez, at ang Caritas Salve Savings and Livelihood Education Credit, pero wala umanong awtorisadong opisyal na maaaring magsalita sa nasabing usapin sa mga sandaling iyon.—FRJ, GMA News

Tags: talakayan