Filtered By: Topstories
News

Lalaki, tinadtad ng bala sa loob ng kotse sa isang gas station sa Makati 


Hindi bababa sa 50 tama ng bala mula sa armalite at iba pang kalibre ng baril ang tumama sa katawan ng isang lalaki na pinagbabaril sa loob ng kaniyang kotse habang nagpapakarga ng gas sa Makati City nitong Biyernes ng umaga.  

Sa ulat ni John Consulta sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing halos hindi na makilala sa dami ng tama ng bala sa katawan at mukha ang biktimang si Mark Felizardo Bagang, alyas Dodong Bagang, 34-anyos.

Sa isang kuha sa closed-circuit television (cctv) camera malapit sa gasolinahan, nakita ang pagtakbo ng mga tao. Kasunod nito, nahagip naman ang pagdaan ng isang kulay maroon na kotse at dalawang motorsiklo.  

Ayon sa mga saksi na tumangging magsalita sa harap ng camera, dumating ang biktima sa isang gasolinahan sa Evangelista St., Makati sakay ng kaniyang itim na Toyota Altis para magpalagay ng gas.

Hindi nagtagal, pumarada sa tabi nito ang kotseng kulay maroon at lumabas ang isang naka-bonnet at naka-bulletproof vest na suspek na may bitbit na armalite.



Kwento pa ng mga saksi, kaagad na pinaputukan ng suspek ang biktima sa loob ng sasakyan. Isa pang lalaki umano na armado ng kalibre .45 na baril ang nagpaputok kay Bagang.

Kasunod nito, isa pang suspek ang lumapit sa sasakyan ng biktima, binuksan ang pinto at binaril umano nang malapitan si Bagang gamit ang baril mismo ng biktima na 9mm.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, halos 100 basyo ng armalite, kalibre 45 at 9mm ang narekober sa pinangyarihan ng krimen. Ang ilan sa mga basyo, nakuha sa loob ng sasakyan na indikasyon na binaril ang biktima nang malapitan.

Ayon kay P/Sr. Supt Manuel Lukban, hepe ng Makati police, posibleng minanmanan ng mga suspek ang biktima at nakakita ng pagkakataon nang tumigil ito at magpalagay ng gasolina si Bagang.

Tumanggi namang magsalita sa harap ng camera ang mga aanak ng biktima pero marami na raw death threat na natatanggap si Bagang, na asawa ng isang incumbent barangay kagawad sa Brgy. Pio del Pilar.

Noong nakaraang Pebrero, pinagtangkaan daw patayin si Bagang sa harap ng bahay nito pero nakaligtas.

Sinabi naman ni Lukban, na may nakuhang ilang gramo ng hinihinalang iligal na droga sa loob ng sasakyan ng biktima at patuloy nilang iniimbestigahan ang motibo at suspek sa nangyaring krimen. -- FRJ, GMA News

Tags: ambush