Mga Pinoy, kulang man sa height, apaw naman sa abilidad
"Small but terrible." Ganyan daw tayong mga Pilipino.
Lumalabas daw kasi sa isang pag-aaral na pangalawa ang mga Pinoy sa mga pinakamaliliit na lahi sa Timog-Silangang Asya. Pero kapus man sa height ang mga Pinoy, nag-uumapaw naman daw tayo sa galing, kompiyansa at talento.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News TV's "SONA" nitong Miyerkules ng gabi, sinabing "bansot," "maliit," at "pandak" ang madalas na pang-asar sa mga kalahi ni Juan dela Cruz.
Dulot daw kasi ito na marami raw sa mga Pinoy ang kulang sa height.
Batay sa isang pag-aaral, pangalawa ang mga Pilipino sa mga Indones na pinakamaliiit ang lahi sa Timog-Silangang Asya.
Ang average height daw ng mga Pinoy na lalaki ay aabot lang ng 5'3 o 162 centimeters. Habang ang mga babae naman, nasa 4'11 o 150 centimeters ang tangkad.
Ayon kay Lilibeth Dasco, ng Food and Nutrition Research Institute o FNRI, nasa dugo at lahi na talaga ng mga Pinoy ang hindi pagiging matangkad dahil sa mixed race tayo ng mga Malay, na hindi rin katangkaran.
Pero sabi nga nila, 'di bale nang maliit, basta may ibubuga.
Patunay nito ang tinatawag na "minion" ng hardcourt na si Emman Monfort, na hindi naging hadlang ang height para makapasok at makapaglaro siya sa Philippine Basketball Association.
Sa taas lang na 5'6, pointguard ang nilalaro ni Emman, at makipagsabayan sa mga higante sa loob ng hardcourt. Ang iba niyang kasama sa koponan, halos dalawang talampakan ang taas sa kanya.
Kung kulang man siya sa height, husto naman si Emman sa diskarte at liksi.
Sabi ni Emman, kung 100 percent ang kaniyang nilalaro, naiimpluwensiyan din niya ang mga ka-team na paghusayan din ang kanilang laro.
"Maliliit tayo pero mayroon tayong puso. Yung mga player natin matatapang at matatalino. Sa basketball naman hindi naman porke't malaki ka mananalo ka na," pahayag ni Emman.
Kahit kung minsan ay napagdidiskitahan at nagiging sentro ng kulitan at tawanan, bilib ang mga ka-miyembro niyang mas malalaki sa kanyang husay sa paglalaro ng basketball.
Samantala, si Arianne Rabie naman ay isang modelo kahit na ang height niya... 4'11 lang.
Hindi man siya nabiyayaan sa height, nag-uumapaw din siya sa talento at ganda.
"Para po sa akin it's how you carry yourself. Parang it's how you play in front of the camera, it's not about the height," ani Arienne.
Sabi ng fashion photographer na si Ari Simangan, ang mahalaga rin sa isang modelo ay iyong may magandang anggulo.
Hindi rin daw kailangan ng isang modelo na ikumpara ang sarili sa iba. Ang mahalaga ay magkaroon ng kompiyansa at maniwala sa sarili.
Bagaman may mga paraan para magmukhang matangkad o madagdagan ang height gaya ng pagsusuot ng heels o pointed shoes, ipinayo ni Dasco, na huwag kalimutang kumain ng mga prutas, gulay, gatas, dairy products at beans na mataas ang protina na para makatulong sa growth enhancement ng isang tao. -- FRJ, GMA News