Filtered By: Topstories
News

Pinakamatinding epekto ng El Niño sa Pilipinas


Ngayong taon, nagbabala ang mga eksperto na posibleng maranasan muli ang bansa ng El Niño o matinding init ng panahon. Alam niyo ba kung kailan nangyari ang pinakamatinding epekto sa Pilipinas ng weather phenomenon na ito?

Ang El Niño ay tinatawag na abnormal weather pattern bunga ng pag-init sa bahagi ng Pacific Ocean. Sinasabing nauulit ang pangyayaring ito sa loob ng ikalawa hanggang ikapitong taon.

Bagaman nakararanas na ngayon ng matinding init ang Pilipinas, sinasabi ng mga eksperto na mararamdaman ang matinding epekto ng El Niño sa huling bahagi pa ng taon. Kabilang dito ang matinding tagtuyot bunga ng kakaunting pag-ulan.

Ang kakulangan ng tubig ay makakaapekto naman sa mga taniman na maaaring magdulot ng problema sa suplay ng pagkain. Maapektuhan din nito ang suplay ng kuryente lalo na sa mga lugar na ang enerhiya ay nanggagaling sa mga hydro power plant.

Naitala ang matinding epekto ng El Niño sa bansa noong 1997 at 1998 na nakaapekto sa 16 rehiyon at umabot sa mahigit P8 bilyon ang pinsala sa agrikultura.

Nakapagtala naman ng mahigit P4 bilyong pinsala sa sektor ng agrikultura ang El Niño noong 1992 na matinding nakapagpainit sa mga lalawigan sa Mindanao. -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia