ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dalagitang dumalo sa isang party, nakitang patay sa bakanteng lote sa Cavite


Isang 16-anyos na babae na nagpaalam sa kaniyang pamilya na dadalo lang sa isang party ang hindi na nakauwing buhay. Nitong nakaraang Martes, natagpuan ang kaniyang bangkay na tinapunan pa ng mga basura sa isang bakanteng lote sa Dasmariñas Cavite.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing Mayo 4 nang nagpaalam ang biktimang si Engellie Marie Valiente Lobaton, na dadalo sa party ng isang dating kamag-aral sa high school.

Pero nang hindi na ito sumasagot sa cellphone nang tawagan ng kapatid, kinabahan na sila at humingi ng tulong sa pulisya para hanapin.

Pagkaraan ng dalawang araw, nakita ang bangkay ng biktima sa isang bakanteng lote sa Pasong Bayog Burol Main sa Dasmariñas.



Sa isinagawang awtopsiya sa mga labi ng biktima na nakuha ng kaanak nito, nakitaan ng pasa sa kaliwang ribs at black eye sa kaliwang mata si Lobaton. Pinaniniwalaang resulta ito ng matinding palo sa ulo at likod ng biktima.

Nang nakita raw ang katawan ng dalagita, may plastik ito sa mukha na pinatungan ng lata at tinapunan ng mga basura ang katawan at mukha.

Ayon sa kapatid ng biktima, wala pang indikasyon na hinalay ang dalagita dahil nasa decomposition stage na ang katawan nito pero patuloy pa rin daw itong sinusuri.

Dagdag pa ng kapatid, iniimbestigahan na raw ng pulisya ang may 10 kataong nakita sa party.

Batay umano sa kwento ng mga ito, umalis daw sa party ang biktima na nakainom at ayaw paawat. Pero hindi naniniwala rito ang kapatid ng biktima.

Umiiyak na nanawagan ang kapatid ng biktima sa mga posibleng may nalalaman sa kaso na tulungan silang mabigyan ng hustisya ang dalagita. -- FRJ, GMA News

Tags: rape