Filtered by: Topstories
News

PHLPost, maglalabas ng Iglesia ni Cristo centennial commemorative stamps


Kasabay ng pagdiriwang ng sentinaryo, maglalabas ang Philippine Postal Corporation ng bagong commemorative stamps ng Iglesia Ni Cristo sa bansa.

Ipagkakaloob ni Postmaster General Josefina Dela Cruz ang Centennial Commemorative Stamps kay Iglesia ni Cristo Executive Minister Bro.  Eduardo V. Manalo sa isang simpleng seremonya sa Mayo 10, 2014 na gaganapin sa INC Central Temple, Quezon City.



Si Bro. Felix Y. Manalo ang founder at unang Executive Minister ng INC na naitatag Noong Hulyo 27, 1914 sa Punta, Sta. Ana, Maynila.

Tampok sa naturang postage stamp si Bro. Felix Y. Manalo (1886-1963), ang opisyal na logo ng INC centennial anniversary at ang INC Central Temple na matatagpuan sa Quezon City.

Ang kulay ng naturang stamp ay black and white (monochromatic), maliban sa  centennial logo.

Sa ganitong paraan, maipa-alaala ang naging kasaysayan at pinagdaanan ng INC mula ng ito ay maitatag hanggang sa kasalukuyan nitong kalagayan.

Ayon sa PHLPost, ito ang kauna-unahang pagkakataon na maglalabas ang PHLPost ng mas malaking selyo na may sukat na 50 mm x 35 mm kumpara sa regular stamps na may sukat na 40 mm x 30 mm.

“We are proud to issue the centennial commemorative stamps of Iglesiani Cristo and to Bro. Felix, its first Executive Minister whose adherence to the teachings of the Bible and untiring care for the Church members is remarkable”, ayon kay  Postmaster General Dela Cruz.

Ang naturang postage stamp ay idenisenyo ni Bro. Bienvenido Santiago, Jr. ang opisyal na tagapagsalita ng INC samantalang ini-layout naman ito ni Bro. Vic Serevo.

Nag-imprenta ang PHLPost ng 1.2 milyong piraso ng selyo na nagkakahalaga ng P10 bawat isa.

Nakatakdang magbenta ang PHLPost ng naturang selyo simula sa Lunes, May 12, sa  Manila Central Post Office, Liwasang Bonifacio.  — Linda Bohol /LBG, GMA News

LOADING CONTENT