Filtered By: Topstories
News

Deniece Cornejo, 'di raw nakatulog sa selda; plywood na may banig ang naging higaan


Magdamag na hindi raw nakatulog sa kaniyang selda sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Deniece Cornejo matapos siyang sumuko nitong Lunes.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang mugshots ni Deniece kaugnay sa kinakaharap niyang kasong serious illegal detention na isinampa ng TV host-actor na si Vhong Navarro.

Dahil non-bailable ang kaso, mananatili siyang nakakulong habang dinidinig ang kaniyang kaso.

Matapos siyang sumailalim sa mugshots at fingerprinting, dinala agad sa detention facility ng CIDG si Deniece.



Sa unang gabi umano nito sa kaniyang pagkakakulong, sa isang plywood na sinapinan ng banig nahiga ang dalaga.

Sinabi sa ulat na walang unan, walang kumot, at walang aircon sa lugar kung saan nakapiit si Deniece. Gayunman, mayroon sa selda na isang electric fan.

Sa nakalap na impormasyon mula sa mga kaanak ni Deniece, napag-alaman ng GMA News na hindi raw nakatulog nang maayos ang dalaga sa unang gabi nito sa piitan.

Bukod sa naninibago daw si Deniece sa lugar, maaga rin itong naghanda sa pagpunta sa Taguig Regional Trial Court nitong Martes.

Hindi rin umano kinain ni Deniece ang dalang pagkain ng mga kaanak.

Mababait naman daw ang 10 kasama nito sa selda at madali rin pakisamahan.

Bago sumuko sa pulisya nitong Lunes, pinuntahan ng GMA News si Deniece at kanyang mga kaanak sa isang lugar na hiniling nilang 'wag pangalanan.

Dito ay inabutan na inihahanda na ang mga dadalhing gamit tulad ng bibliya, ilang libro at isang notebook kung saan isusulat niya ang kanyang mga mararanasan.

Hindi raw nakitang umiyak si Deniece bago sumuko kahit aminado ang dalaga na takot siyang makulong.

Sa kabila ng pinagdadaanan, nananatiling buo ang suporta ng pamilya kay Deniece.

Sinabi naman sa ulat na itinanggi ni Deniece na nakasama niya sa Samar ang mga naunang nadakip na sina Cedric Lee at Zimmer Raz.

Ang dalawa rin daw ang isa sa mga dahilan kaya sumuko si Deniece dahil nadamay lang umano mga ito sa kaso dahil sa ginawang pagtatanggol sa kaniya.

Nauna nang iginiit nina Deniece at Cedric na pinagtangkaang gahasain umano ni Vhong ang dalaga kaya nila nasaktan, bagay na itinanggi naman ng aktor. -- FRJimenez, GMA News