Sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan, iminungkahing gawing P36k
Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes para gawing Salary Grade 20 mula sa kasalukuyang Salary Grade 11 na minimum salary grade level ng mga guro sa mga pampublikong paaralan. Kung maaaprubahan ito, mula sa kasalukuyang P18,549.00, magiging P36,567.00 ang buwanang sahod ng mga guro.
Paliwanag ng mga may-akda ng panulang batas na sina Magdalo party-list Reps. Francisco Ashley Acedillo at Gary Alejano, kailangan nang itaas ang sahod ng mga guro, na itinuturing nilang "most underpaid at overworked professionals."
Nais umano ng mga mambabatas na bigyan-buhay ang intensiyon ng nakasaad sa Saligang Batas na bigyan ng pinakamalaking bahagi ng taunang badget ng pamahalaan ang sektor ng edukasyon ng bansa.
"Paragraph 5 under Section 5 of Article 6 provides that, 'the State shall assign the highest budgetary priority to education and ensure that teaching will attract and retain its rightful share of the best available talents through adequate remuneration and other means of job satisfaction and fulfillment,'" paliwanag ng may akda.
Dagdag nila, “Despite the fact that they looked upon and heralded as molders of the youth, public school teachers receive a basic salary under the Salary Standardization Law (SSL3) of P18,549 only.”
Sa ilalim ng third phase ng Salary Standardization Law, ang basic monthly rate para sa Salary Grade 20 sa mga kawani ng pamahalaan at P36,567 at P18,549 para naman sa Salary Grade 11.
Panahon na umano na dagdagan ang sahod ng mga guro para natulungan sa tumataas na gastusin ang mga propesyunal na humuhubog ng karunungan ng mga kabataan.
Nakasaad sa panukalang batas na nakabinbin sa House committee on appropriations, na may tatlong taon ang Department of Education (DepEd) para ayusin ang plantilla positions ng mga guro at pagtukoy sa pagkukunan ng pondo para sa dagdag sahod.
Naniniwala ang mga mambabatas na sapat na ang tatlong taon para mabigyan ng sapat na panahon ang Department of Budget and Management (DBM) para ihanda ang pondo sa pagpapatupad ng salary adjustment. -- RP/FRJ, GMA News