Lalaking nag-dive sa swimming pool, nabagok ang ulo, patay
Isang bakasyunista mula sa Quezon City ang nasawi nang mabagok ang ulo nito nang mag-dive umano sa swimming pool ng isang resort sa Asingan, Pangasinan na limang talampakan lang ang lalim. Sa ulat no CJ Torrida sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawi na si John Nikki Avila, 21-anyos, isang nurse. Nagbabakasyon lang sa Pangasinan ang biktima at nakatuwaan na mag-outing sa resort kasama ang kaniyang mga kamag-anak. Inakala umano ng mga kasama nito na nagbibiro lamang ang biktima nang lumutang na hindi gumagalaw, ayon sa police report. Sinisisi nila ang pamunuan ng resort dahil sa kawalan umano ng life guard kaya hindi kaagad natulungan si Avila, na hindi na umabot ng buhay sa ospital. Pero giit ng mag-ari ng resort, hindi sila nagkulang sa pagpapaalala sa mga bisita nila na bawal mag-dive sa kanilang mga pool dahil mababaw lamang ang mga ito. Idinagdag pa na ngayon lang daw nangyari ang nasabing trahediya sa resort na 16 na taon na umanong nag-ooperate. Tumanggi muna ang pamilya ni Avila na magbigay ng pahayag sa harap ng camera pero pinag-aaralan daw nila ang legal na hakbang na gagawin laban sa may-ari ng resort. -- FRJ, GMA News