Filtered By: Topstories
News

Palasyo, nag-sorry dahil sa mahabang pila sa MRT


Kasunod ng mga reklamo mula sa mga pasahero, humingi nitong Biyernes ng paumanhin ang Malacañang sa nangyayaring napakahabang pila para makasakay sa Metro Rail Transit (MRT).

"If the lines are long, we sincerely apologize to our fellow citizens about this difficulty," saad ni presidential spokesperson Edwin Lacierda sa press conference nitong Biyernes.

Kasabay ng paghingi ng paumanhin, tiniyak ng opisyal na gumagawa ng paraan ang pamahalaan para sa pangmatagalang solusyon sa problema tulad ng pagbili ng mga bagong bagon sa MRT.



"The long-term intervention is that we are now acquiring the coaches. That’s the only way that we can alleviate the difficulties that we are encountering in the MRT," anang kalihim.

Pero sa ngayon, ang panandaliang magagawa umano ay maghintay "until the long-term intervention sets in." 
 
"The short-term interventions are to provide really just comfort lang talaga; and also to make sure that trains run on time," ayon kay Lacierda.

Kasabay nito, tiniyak ng opisyal na walang proteksiyon mula kay Pangulong Benigno Aquino III, si Metro Rail Transit (MRT) general manager Al Vitangcol III at umano'y emisaryo nito na idinadawit sa alegasyon ng pangingikil sa Czech firm Inekon Group na nagnais noon na makakuha ng kontrata sa pagsuplay ng mga bagong bagon.

“I am certainly telling you that there’s an investigation that is out there, and the President has always said regardless of what kind of investigation where the evidence leads, we will go there," ani Lacierda

Sina Vitangcol at negosyanteng si Wilson Devera, ay idinadawit ni Czech Ambassador to the Philippines Josef Rychtar sa umano'y tangkang pangingikil sa Inekon ng $30-milyon para sa MRT project.

Napag-alaman na si Devera ay natalong kandidato ng Liberal Party sa pagka-alkalde sa Calasiao, Pangasinan noong 2013 elections. -- FRJ, GMA News