Makatwiran bang pagbawalang gumamit ng 'CR' ng babae ang mga transgender?
Inireklamo ng isang transgender ang security guard sa call center na kaniyang pinapasukan dahil nilabag daw ang kaniyang karapatang pantao nang palabasin at sabihan na bawal siyang gumamit ng palikuran na pangbabae.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV's "SONA" nitong Huwebes, sinabi ni Mara La Torre, na John Gerard nang ipinanganak, na napahiya siya at nasaktan sa ginawa sa kaniya ng guwardiya.
Ayon kay Mara, isa na siyang ganap na babae matapos magpa-sex change kaya para sa kaniya ay puwede na siyang gumamit ng palikuran para sa mga babae.
Kwento niya, naganap ang insidente nitong nakaraang Pebrero. Break daw nang sandaling iyon at papasok nasa siya sa comfort room ng mga babae pero hinarang siya at hindi pinapasok ng guwardiya sa palikuran.
Sinabihan umano siya ng guwardiya na bawal siya sa pambabaeng palikuran, pero iginiit niyang isa siyang babae.
Nitong Huwebes, naghain ng reklamo si Mara sa Quezon City Prosecutors' Office laban sa guwardiya dahil sa ginawang diskriminasyon sa kaniya.
Nilabag daw ng guwardiya ang ordinansa sa Quezon City na nagbabawal ng diskriminasyon sa mga bakla.
Bilang isang transgender, sinabi ni Mara na kinikilala niya ang sarili bilang babae.
"Ang pagpapalabas sa akin sa female restroom ay pagtanggal sa aking karapatan at prebilehiyo na pumasok sa isang pasilidad where I identified myself with," giit niya.
Ang Association of Transgender People of the Philippines, suportado ang reklamo ni Mara. Madalas daw kasing nakararanas ng diskriminasyon ang katulad nila.
Dati na ring nabalita ang ilang insidente na hindi pinapasok sa ilang establisimyento ang mga bakla tulad sa mga bar.
Ayon kay Mara, ang paghahain niya ng kaso ay hindi lang daw para sa kanya kung hindi maging sa ibang transgender men and women.
Sinubukan ng GMA News na makuha ang pahayag ng security guard at ang pamunuan ng call center pero wala pa silang sagot.
Dahil sa kasalukuyan ay malinaw na pambabae at panglalaki ang mga palikuran sa bansa, iminungkahi ng pinuno ng Commission on Human Right, gawin na lamang unisex ang mga palikuran.
Ang ibang tinanong naman, hindi sang-ayon na pagamitin sa palikuran ng babae ang mga transgender.
"Parang 'di bagay kasi na... lalaki pa rin siya tapos mag-si-cr sa babae," ayon kay Gina Baluyot.
Paliwanag naman ni Cynthia Rullog, "Dati lalaki siya...nakakailang naman siyempre 'yon. Kasi kami babaeng babae, siya nagpa-ano lang, nagpapalit lang [sex change] 'di ba." -- FRJimenez, GMA News