Filtered By: Topstories
News

'Goat' o kulelat sa PMA na humawak ng mataas na puwesto sa militar at Kongreso


Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon
"Goat" ang tawag sa kadeteng nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) na kulelat sa kanilang klase. Pero kilala niyo kung sino ang "class goat" sa akademiya na humawak ng matataas na posisyon sa militar at naging kasapi ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
 
Taong 1961 nang magtapos sa PMA bilang "goat" o kulelat sa kanilang klase ang kinatawan ngayon sa Kamara de Representantes ng Muntinlupa na si Rep. Rodolfo "Pong" Biazon.
 
Ngunit hindi naging sagabal ang pangungulelat niya sa grupo para mahawakan niya ang pinakataas na puwesto sa Armed Forces of the Philippines at maging mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Kabilang sa mga posisyon na hinawakan ni Biazon bilang sundalo ay ang pagiging Superintendent ng PMA noong 1986-87;  Commandant of the Philippine Marines noong 1987-89; Commanding General ng NCR Defense Command noong 1988-90; Armed Forces of the Philippines (AFP) Vice Chief of Staff  noong 1990-91 at ang pinakaasam ng mga sundalo na AFP Chief of Staff  noong 1991.

Nang magretiro bilang sundalo, tumakbong senador at nanalo si Biazon noong 1992 hanggang 1995.  Gayunman, nabigo siya sa kaniyang re-election bid bilang senador noong 1995 elections dahil sa umano'y naganap na "dagdag-bawas" sa boto.
 
Pero nakabalik at nanalo siyang muli bilang senador noong 1998 elections at tumagal sa mataas na kapulungan hanggang 2010.

Nang matapos ang termino niya bilang senador, pinalitan ni Biazon ang kaniyang anak na si Ruffy Biazon bilang kongresista ng Muntinlupa noong 2010, puwesto na hawak niya hanggang kasalukuyan.

Kabilang sa mga komite na pinamunuan ni Biazon ay ang Committee on National Defense and Security at Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement. -- FRJimenez, GMA News
Tags: pinoytrivia