Bill na ibalik ang death penalty sa mga dayuhang sangkot sa drug-related crimes, lusot sa House panel
Lusot na sa House Committee on Dangerous Drugs ang panukalang batas na magpapataw ng parusang kamatayan sa mga dayuhang masasangkot at mapapatunayang nagkasala sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga habang nasa Pilipinas.
Inilabas at inindorso na sa plenaryo ni Iligan City Rep. Vicente Belmonte, chairman ng komite, ang Committee Report No. 58 ng House Bill 1213, na nagpapataw ng pinakamabigat na parusang kamatayan sa mga dayuhang lalabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ang HB 1213 o “An Act adopting the higher prescribed penalty, including death, of the national law of an alien found guilty of trafficking dangerous drugs and other similar substances, amending for the purpose R.A. No. 9165, otherwise known as the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002,” ay iniakda nina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Abante Party-list Rep Maximo Rodriguez.
“While there is no reason to question the laws of foreign countries, we must ensure that our countrymen do not suffer the short end of the stick,” ayon kay Rodriguez.
Basahin: CHR chief nixes bid to revive death penalty, blames ‘flawed’ justice system
Umaasa naman si Belmonte, na sa pamamagitan ng panukalang batas ay magdadalawang-isip ang mga dayuhan na gumawa ng masama na kanilang ikapapahamak habang nasa Pilipinas.
Puna ng mga mambabatas, parusang kulong lamang ang nakukuha ng mga dayuhang gumagawa ng krimen sa Pilipinas, habang kamatayan ang sinasapit ng mga Pinoy na nakakagawa ng kasalanan sa ibang bansa tulad ng China.
Gayunman, sinabi ng mga kongresista na marami sa mga nahuhuli sa Pilipinas na sangkot sa pagpapakalat at paggawa ng iligal na droga ay mga dayuhan tulad ng mga Chinese national.
“This is a sad, or even unfair situation, because when Filipinos are caught drug trafficking abroad, they may be meted the death penalty, as seen in the most recent execution of the three Filipinos in China, namely Elizabeth Batain, 38 years old, Sally Ordinario-Villanueva, 32, and Ramon Credo, 42,” giit ng mga kongresista.
Giit pa ng mga mambabatas, “While the rationale for the passage of R.A. 9346 (abolition of the death penalty) is very clear and noble, there are some sectors of society who believe that this law is not just and equitable because while foreigners may not be executed in the Philippines for drug trafficking, Filipinos who commit the same are executed in other jurisdictions.”
Noong 1973, hinatulan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang Chinese drug lord na si Lim Seng. -- RP/FRJ, GMA News