Filtered By: Topstories
News

Ang mga unang babae sa Katipunan


Kilala niyo ba kung sino ang mga babae na unang naging kasapi ng Katipunan na lumaban para sa kasarinlan ng Pilipinas mula sa kamay ng mga dayuhang Kastila?
 
Taong 1893 nang buksan ng Katipunan ang kanilang sikretong samahan para sa mga babaeng kasapi. Pero limitado pa lamang noon ang pagkuha ng babaeng miyembro sa kaanak ng mga lalaking kasapi ng kilusan.
 
Ang mga kababaihan na unang isinalang sa inisasyon bilang Katipunera na isinagawa sa bahay ni Don Restituto Javier sa Oroquieta Street sa Maynila, ay sina Marina Dizon, Gregoria de Jesus, Josefa at Trinidad Rizal, Angelica Lopez at Delfina Herbosa.
 
Kabilang sa naging papel ng mga Katipunera ay magsilbing panakip sa mga pagtitipon na ginagawa ng mga lider ng kilusan sa loob ng bahay. Isang halimbawa nito ay ang pagkukunwaring nagkakasiyahan lamang at nagsasayawan ang mga Katipunera habang nagpupulong ang mga Katipunero.
 
Nang maging Supremo ng Konseho ng Katipunan si Andres Bonifacio noong 1895, itinalaga niya si Dizon bilang pinuno ng debisyon para sa mga kababaihan sa kilusan at namahala sa pagkalap at inisasyon ng mga babaeng kasapi. -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia