Filtered By: Topstories
News

Ketong at hindi flesh-eating disease ang 'misteryosong' sakit sa balat ng babae sa Pangasinan


Pinabulaanan ng Provincial health office ng Pangasinan nitong Martes ang kumalat na balita na may naitalang kaso ng misteryosong flesh-eating disease sa lalawigan.

Sa ulat ng GMA News TV's "News TV Live",  inihayag ni provincial health officer Dr. Maria Anna Theresa de Guzman, sa isang pulong balitaan sa Lingayen, na ang napabalitang biktima ng flesh-eating disease na isang babae ay mayroong leprosy o ketong.

Samantala, ang 21-anyos na lalaki naman ay mayroong psoriasis.



Ang nabanggit na babae na naninirahan sa munisipalidad ng Sta. Barbara ay ginagamot na. Natuklasan na mayroong ketong ang babae dalawang taon na ang nakalilipas.

Lumitaw na nagkaroon umano ng drug reaction sa babae kaya muling bumalik ang ketong nito, ayon sa naturang ulat.

Samantala, ang lalaki na naninirahan sa Villasis ay mayroong psoriasis at psoriatic arthritis, kaya hindi siya makalakad.

Dinala na umano ang dalawang pasyente sa Pangasinan provincial hospital sa San Carlos City para sa patuloy na paggamot sa kanila.

Tiniyak naman ng opisyal ng provicial health office na hindi delikado at hindi rin basta nakakahawa ang nabanggit na sakit ng dalawang pasyente. — FRJ, GMA News