Filtered By: Topstories
News

Bagong nag-akusa ng rape vs Vhong Navarro na si Roxanne Acosta, lumantad na


Nakapanayam ng GMA News ang 24-anyos na si Roxanne Acosta na nag-aakusa rin ng panghahalay laban sa TV host-actor na si Vhong Navarro.  Ayon sa dalaga, nagpasya siyang lumantad para ipaglaban ang kanyang karapatan at makakuha ng hustisya.

Sa panayam ni Marisol Abdurahman na lumabas sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Roxanne na nakakuha siya ng lakas ng loob na kasuhan si Vhong dahil sa ginawang pagsasampa rin ng reklamo ni Deniece Cornejo.

Kwento ni Roxanne, 20-anyos lang siya nang mangyari ang pagsasamantala umano sa kaniya ni Vhong. Pero kahit apat na taon na ang nakalilipas, sariwa pa raw sa alaala niya ang mga nangyari.



Hindi niya idinetalye ng lubos ang mga pangyayari pero nagkakilala raw sila ng komedyante noong 2010 sa isang noontime show.

Nakuha umano ni Vhong ang numero ng kaniyang cell phone at ito ang tumatawag at nagti-text sa kaniya para lumabas sila.

Aminado naman si Roxenne na noon una ay kinilig umano siya dahil binigyan siya ng atensyon ng isang artista.

Pumayag daw siyang makipagkita sa aktor at sinundo siya sa hotel kung saan siya tumutuloy noon kasama ang iba pang kandidata para sa isang beauty pageant.

Pero nagulat daw siya sa mga ginawa sa kaniya ni Vhong.

Ayon kay Roxanne, maliban sa bata pa siya noon at hindi alam ang gagawin, hindi siya nakapagsumbong dahil sa hiya at takot na baka patayin siya.

Sinabi sa ulat na ang mga pahayag ng dalaga sa GMA News ay nakasaad din sa sinumpaang salaysay na isinumite niya sa Pasig City Prosecutors Office.

Bago si Roxanne, unang naghain ng reklamong rape laban kay Vhong si Deniece Cornejo sa piskalya ng Taguig City.

Ito'y bunga ng pamumuwersa umano ng aktor kay Deniece sa condo na tinutuluyan ng dalaga sa Bonifacio Global City.

Hindi raw nagtagumpay si Vhong na mahalay si Deniece dahil naabutan ito ng grupo ni Cedric Lee, at nabugbog nila ang aktor.

Pero itinanggi ni Vhong ang akusasyon ng grupo nina Deniece at Cedric. Sa halip, iginiit ng aktor na sinet-up siya ng grupo, tinakot at hiningan ng pera.

Dahil dito, kinasuhan ni Vhong ng mga kasong serious illegal detention, serious physical injuries, grave threat, grave coercion, and unlawful arrest ang grupo nina Deniece at Cedric.

Duda sa timing

Samantala, inihayag ng abogado ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga, na sasagutin nila ang panibagong akusasyon ng rape kapag nakatanggap na nila ang kopya ng reklamo.

Gayunman, duda sila sa timing ng pagsasampa ng kaso gayung sinasabing nangyari ang panghahalay noong 2010.

Idinagdag pa ni Mallonga na hindi sila magpapaapekto sa bagong reklamo para hindi malinis ang kanilang atensiyon sa mga kasong isinampa nila sa grupo nina Deniece at Cedric. -- FRJimenez, GMA News