Filtered By: Topstories
News

'Gapos Gang,' umaga nang umatake sa Maynila; biktima, kapatid ng brgy. capt. sa lugar


Maging alerto kahit sa umaga sa pagsalakay ang mga hinihinalang miyembro ng "Gapos Gang." Nitong Biyernes ng umaga, nabulaga ang isang pamilya sa Sampaloc, Maynila nang pasukin at igapos sila ng mga armadong suspek.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, ikinuwento ng 82-anyos na si Lara Zamora, na dakong 6:00 a.m. nang lumabas siya ng bahay para magwalis sa labas ng gate.

Pagbalik niya sa bahay pagkaraan ng 30 minuto, sinunggaban siya ng isa sa mga suspek at hinatak na papasok ng bahay.

Matapos igapos sa garahe ang nakatatanda, inisa-isa na ng mga suspek ang kwarto sa bahay at binihag din ang iba pang nakatira dito.



Pinagsisipa rin ng mga suspek hanggang mawasak ang pinto ng mga nakasarang kwarto.

Inutusan naman ng mga suspek ang may-ari ng bahay na si Carlo Zamora na buksan ang vault na pinaglalagyan ng kanilang pera at mga alahas matapos bihagin ng mga ito ang kaniyang anak.

""Di ko agad nabuksan [ang valut] kasi natataranta ako kaya pinukpok ako ng baril sa ulo," kwento ni Carlo.

Tinatayang mahigit P1.5 milyon na pera, alahas at mga gadgets ang nalimas ng mga suspek.

Bukod sa mga suspek sa loob ng bahay, mayroon din umanong nagsilbing mga lookout  sa labas.

Nawalan din ng saysay ang mga CCTV camera na nakakabit sa paligid ng bahay ng mga biktima dahil sinira ito ng mga suspek.

Dahil sa nangyari, matindi galit na naramdaman ng kapatid ni Carlos na si Constantino na siyang kapitan ng barangay sa kanilang lugar.

Ayon sa Theft and Robbery Section ng Manila Police District,  hindi na umano bago ang ganitong estilo ng pagnanakaw na umaatake sa umaga dahil karaniwang tulog pa ang mga bibiktimahin.

Inilarawan naman ng mga biktima na isa sa mga suspek ay tinatayang nasa 35 hanggang 40-anyos, bilugan ang mukha at tinatayang nasa 170 hanggang 180 pounds. -- FRJimenez, GMA News