Filtered By: Topstories
News

Mayor Duterte, pinuna ang DOJ kung bakit 'di pa kinakasuhan ang sangkot sa rice smuggling


Nakahanda raw si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na humarap sa imbestigasyon ng Senado para ilahad ang kaniyang nalalaman tungkol sa rice smuggling sa bansa.

Sa ulat ng GMA News TV's "News To Go" nitong Huwebes, pinuna ng alkalde kung bakit nahihirapan ang pamahalaan na tukuyin ang tunay na pagkatao ng umano'y rice smuggler na si "David Tan."

Ayon kay Duterte, hindi naman mahalaga kung ilan ang alias na ginagamit ng umano'y rice smuggler, dahil ang higit na importante ay kasuhan ng Department of Justice ang personalidad na pinaniniwalaan nilang nagpupuslit ng bigas.



Nauna nang nagbanta ang alkalde na papatayin kung hindi titigil sa kanilang operasyon ang mga rice smuggler sa kaniyang lungsod.

Sa pagdinig ng Senado nitong Miyerkules, itinanggi naman ni Davidson Bangayan na siya si David Tan. (Basahin: Bangayan itinangging siya ang rice smuggler na si' David Tan')

Sa hiwalay na ulat ng GMA News TV's "Balitanghali," sinabi ni Duterte na handa rin niyang harapin ang mga kasong isasampa sa kaniya dahil sa ginagawang pagbabanta sa mga kriminal. -- FRJ, GMA News