Dagdag na tax exemption sa mga kawani at mga nakatatanda, iminungkahi
Ilang panukalang batas tungkol sa tax exemption sa sahod ng mga kawani at maging sa buwis ng mga nakatatanda ang inihain ng mga mambabatas sa Kamara de Representantes.
Sa House Bill No. 2670 ni Iloilo Rep. Jerry Trenas, hiniling nito sa kapulungan na itaas sa P75,000 mula sa kasalukuyang P30,000 ang palugid sa income tax exemption sa 13th month pay ng mga empleyado.
”With the unabated rise of food, housing, education, electricity, water and transportation expenses, the 13th month pay and other benefits are no longer mere bonuses, as these are necessities relied upon by our countrymen as sources of income to support their families,” paliwanag ng mambabatas.
Sinabi pa ni Trenas na dapat bigyan ng kaluwagan sa buwis ang mga kawani at manggagawa dahil maituturing sila ang pinakamahuhusay na tax payers sa bansa.
"Employees and workers who have no choice but to pay their monthly taxes through the withholding tax system of the country. Yet they are the ones who are most burdened by the government for even their 13th month pay and other benefits are only exempt from taxes for only up to a certain extent,” pagdiin niya.
Samantala, nakapaloob naman sa HB No. 2953 na inihain ni Baguio City Rep. Nicasio Aliping, na bigyan ng karagdagang tax exemption ang mga senior citizen mula sa kanilang income tax.
Sinabi ng kongresista na hindi dapat bigyan ng dagdag pasanin sa buwis ang mga nakatatanda na inilarawan niya na nasa "twilight" ng kanilang buhay.
“As the taxpayer grows older, the time will come when he can no longer claim any additional exemption for his dependents. From then on, the taxpayer pays higher income taxes sans the additional exemption. This is a burden that he will have to carry even if the taxpayer reaches his senior years,” paliwanag ni Aliping.
Paliwanag niya, sa ilalim ng Section 35 ng National Internal Revenue Code o Republic Act 8424, as amended by R.A. 9504, ang individual income taxpayer ay pinapayagan na makakuha ng karagdagang tax exemption sa halagang P25,000 para sa kanilang dependent na hindi hihigit sa apat.
“The claim for additional exemption, however, is allowed only until any of the dependent dies, marries, becomes 21 years old, or becomes gainfully employed,” patuloy niya.
Sa panukalang inihain ni Aliping, nais niyang amyendahan ang Section 35 ng RA 8424, para payagan ang mga senior citizen na makakuha ng karagdagang exemption sa pagsusuri ng income tax.
Ang Section 35 ng R.A. patungkol sa allowance of personal exemption ng individual taxpayer. -- RP/FRJ, GMA News