Filtered By: Topstories
News

2 ex-convict na kalalaya pa lang noong Nobyembre, natagpuang patay


Dalawang bangkay ng lalaki na tadtad ng saksak sa leeg ang natagpuan sa isang malalim na bangin sa Burgos, La Union.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Paul Palangdan, 29-anyos; at Apolo Tigway, 28-anyos, pawang residente ng Bauko,  Mt. Province.



Ayon sa pulisya, posibleng ice-pick ang ginamit sa pagpatay sa mga biktima. May indikasyon din umano na pinaslang sa ibang lugar ang dalawa at itinapon lang sa bangin sa barangay Dalacdac, Burgos.

Inihayag naman ng mga kaanak ng mga biktima na huling nakitang magkasama ang dalawa noong nakaraang Huwebes.

Napag-alaman din na kalalaya pa lamang ng dalawa noong nakaraang Nobyembre 26 matapos na mabuno ang kanilang sentensiya sa Muntinlupa Prison dahil sa kasong robbery with violence. -- FRJ, GMA News