Residente sa isang barangay sa CDO, pinayuhang 'wag kainin ang mga patay na isdang lumutang sa ilog
Ilang patay na isda ang lumutang sa isang ilog sa barangay Agusan, Cagayan de Oro city na nagsimula noong Sabado ng tanghali.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Lunes, sinabing kinuha at ginawang ulam ng ilang residente ang lumutang na mga isda dahil hindi pa naman daw nabubulok.
Hindi nila alintana ang posibleng masamang epekto sa kalusugan ng pagkain sa mga isdang bigla na lang nangamatay.
Ayon sa mga residente, ikatlong beses na raw nangyari ang paglutang ng mga patay na isa sa kanilang lugar. Pero pinakamarami raw ang pinakahuling insidenteng ito.
Ayon naman sa City Local Environment and Natural Resources Office, bubuo sila ng isang task force para tutukan ang posibleng fish kill sa ilog.
Pero paliwanag ng ahensya, posibleng may kinalaman ang biglang pagkamatay ng mga isda sa masamang panahon at pabago-bagong temperatura.
Pinapayuhan din nila ang mga residente na huwag kakainin ang mga namatay na isda dahil hindi pa tiyak kung anong ikinamatay ng mga ito. - FRJ, GMA News