Filtered By: Topstories
News

Paglobo ng populasyon, biyaya ba o problema?


Iginiit ng isang Obispo ng Simbahang Katolika na hindi dapat problemahin ng pamahalaan ang pagdami ng populasyon ng Pilipinas.

Ang pahayag ay ginawa ni Batanes Bishop Camilo Gregorio bunga na rin ng pagtaya ng Commission on Population na maaaring nasa 97.755 milyon na ang populasyon ngayon ng Pilipinas.

Sa panayam ng Radio Veritas nitong Martes, sinabi ni Gregorio na ang pagsisiksikan ng mga tao sa isang lugar sa pag-asang makahanap ng trabaho ang tunay na problema ng bansa at hindi ang pagdami ng mga tao.

"Ang problema ay congestion, hindi ang population. Iyan naman ang nangyayari, unequal ang distribution nung tao, kasi nagpa-flock ang tao sa Manila, sa Cebu, sa mga city," paliwanag ng obispo.

"Umaasa sila na may trabaho, pagdating naman nila doon ay wala namang trabaho. Yung pag-survive wala namang nangyayari, wala namang programa ang gobyerno sa ganun,” dagdag pa niya sa naturang panayam sa radyo.

Ayon sa PopCom,  sa 2007 Census ay lumitaw na nasa 2.04-percent ang annual population growth rate (APGR) ng bansa mula 2000 hanggang 2007.

“APGR of 2.04 percent (2000-2007) indicates a decelerating momentum from 2005-2007 and if sustained, the projected APGR in 2010 of 1.95 percent could be achieved,” ayon sa komisyon.

Sa isa pang pag-aaral, sinabi ng pamahalaan ng Pilipinas at United Nations na ang mabilis na pagdami ng mga Pilipino ang nagiging dahilan kaya hindi makamit ng bansa ang millenium development goals (MDGs), at hindi maramdaman ang pag-angat ng ekonomiya dahil nasasabayan din ng pagdami ng mga tao.

Ayon sa  Philippine Legislators Committee on Population and Development Foundation Inc., ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa Asya na may pinakamataas na population growth rate.

Nitong nakaraang taon, nagpahayag din ng pagkabahala ang National Statistics Office (NSO) dahil sa pagdami ng mga kabataan o menor de edad na babae na nabubuntis.

Sa pag-aaral ng NSO, lumobo ng 60 porsiyento ang teenage prenancy sa Pilipinas magmula 2000 hanggang 2010.

Noong Disyembre 2012, pinirmahan bilang batas ni Pangulong Benigno Aquino III ang kontrobersiyal na Reproductive Health law na mahigpit na tinutulan ng Simbahan Katolika dahil sa paniwalang nagsusulong ito ng abortion.

Pero makaraan ang isang taon, hindi pa rin lubos na naipatutupad ang batas bunga ng mga petisyon na isinampa sa Korte Suprema. (Basahin: Supreme Court extends order stopping RH law)

Naniniwala si Gregorio, uunlad ang bansa sa tulong ng malaking populasyon kung magiging pantay ang distribusyon ng yaman at serbisyo ng gobyerno sa Pilipinas lalo na sa mga lalawigan.
 
“Para sa akin opportunity 'yan (malaking populasyon), hindi 'yan liability. It's an asset, lalo na tayo agricultural country tayo," paliwanag ng obispo.

Sa hiwalay na panayam sa nabanggit na himpilan ng radyo, sinabi ni Lito David ng Prolife Philippines, dapat tingnan bilang malaking oportunidad ng pamahalaan ang pagkakaroon ng malaking populasyon sa halip na isipin itong problema.
 
Idinagdag niya na hindi na kailangan ang RH law dahil bumababa naman ang population growth rate ng Pilipinas kahit walang pinaiiral na population control program sa nakaraang dalawang dekada. -- MP/FRJ, GMA News

Tags: talakayan