Ban sa paggamit ng mga paputok, dapat daw ipaubaya sa LGUs
Higit na makabubuti na ipaubaya umano sa lokal na pamahalaan ang desisyon sa pag-ban sa paggamit ng mga paputok sa pagsalubong sa bagong taon.
Ito ang inihayag ng ilang lider ng Kamara de Representantes kasunod naman ng panawagan ng Department of Health (DOH) sa Kongreso na amyendahan ang batas tungkol sa paggawa, pagbebenta at paggamit ng mga paputok.
Ang panawagan ay ginawa ng DOH dahil nananatili pa ring mataas ang bilang ng mga nagiging biktima ng paputok bawat taon.
Basahin: Pabor ka bang ipagbawal na ang paputok sa buong bansa?
Ngunit para kay Speaker Feliciano Belmonte Jr., ang mga lokal na pamahalaan ang dapat magdesisyon kung ipagbabawal o kokontrolin lamang ang paggamit ng paputok sa kanilang nasasakupan.
Ginawang halimbawa ng lider ng Kamara ang Davao City at Zamboanga City na nagpapatupad ng firecracker ban sa kanilang mga nasasakupan.
Paliwanag naman ni Marikina Rep. Miro Quimbo, dapat lang na higpitan ang mga regulasyon sa paggawa at pagbebenta ng paputok dahil mahirap umanong ipatigil ang paggamit ng paputok sa bansa na bahagi na ng tradisyon ng mga Pilipino.
“I strongly believe that we need a more regulated industry. A total prohibition is not the solution. Instead, we must just allow a few items for individual use like sparklers but not any form of explosive,” paliwanag niya.
Para naman kay Deputy Majority Leader at Cibac party-list Rep Sherwin Tugna, marami ang maaapektuhan ang kabuhayan kapag lubos na ipinagbawal ang mga paputok sa bansa.
“It will be unconstitutional and unfair to Filipinos whose livelihood for generations has been the fireworks and small firecrackers industry. What we need is good regulation, not a total prohibition that includes small firecrackers,” anang kongresista.
Nitong Miyerkules ng umaga, inihayag ng DOH na nasa 599 katao ang nasugatan dahil sa mga paputok sa pagsalubong sa 2014. Ang naturang bilang ay mas mataas kumpara sa naitala noong nakaraang taon. -- RP/FRJ, GMA News