Filtered By: Topstories
News
Koreans, pangunahing dayuhan na bumisita sa Pilipinas ngayong 2013
Pinangunahan ng mga Korean ang mahigit 3.7 milyong dayuhan na bumisita sa Pilipinas ngayong 2013, batay sa listahan na ipinalabas ng Bureau of Immigration.
Ayon sa pahayag ni BI Commissioner Siegfred Mison, mula Enero 1 hanggang December 5, 2013, umabot sa 1,015,802 Koreans ang dumating sa bansa. Inaasahan na tataas pa ito bago matapos ang taon.
Sumunod naman ang United States sa dami ng mga bumisitang dayuhan sa Pilipinas na umabot sa 649,664, at pangatlo ang Japan na 371,122.
Sa kabila ng iringan ng Pilipinas sa China dahil sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, umabot pa rin sa 313,395 Chinese ang bumisita sa Pilipinas.
Higit na mas marami naman ang Taiwanese kaysa Australyano na bumisita sa Pilipinas ngayong taon kumpara noong 2012. Umabot sa 196,383 Taiwanese ang dumating sa bansa, kumpara sa 167,262 mga Australyano.
Ang mga lalawigan sa Visayas region ang naging pangunahing destinasyon ng mga dayuhan partikular na si Cebu at Boracay ng Aklan. -- FRJ, GMA News
Tags: pinoytrivia
More Videos
Most Popular