Filtered By: Topstories
News
27,000 pabahay para sa mga nasalanta ng Bagyong Pablo – PNoy
Isang taon matapos manalasa ang Bagyong Pablo sa ilang bahagi ng Mindanao, siniguro ni Pangulong Benigno Aquino III na patuloy ang rehabilitasyon sa Compostela Valley habang patuloy din ang mga programa para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda.
“Hindi kayo nakakalimutan ng inyong gobyerno,” pahayag ni Aquino sa mga residente ng Compostela Valley noong Linggo. “Habang sabay-sabay nating hinaharap ang mga panibagong problema ng sambayanan, patuloy tayong nagsusumikap para tugunan ang inyong mga pangangailangan.”
“Tinatayang 27,000 kabahayan ang ipapatayo ng pamahalaan sa iba’t ibang resettlement sites sa inyo pong probinsya,” aniya.
Sa kasalukuyan, mahigit na sa 600 bahay ang naipatayo ng gobyerno sa nasabing probinsiya sa ilalim ng emergency shelter assistance program. Mahigit 2,000 bahay naman ang ginagawa pa lamang sa ilalim din ng nasabing programa ng gobyerno.
Kasabay nito, inamin ng Pangulo na matagal-tagal pa bago tuluyang makabangon ang Compostela Valley.
Gayunpaman, nakapagbiro pa rin ang Pangulo: “Sabi naman ho sa inyo, habang buhay tayo, dapat may problema. ‘Pag wala na ho tayong problema, tinawag na tayo ni Lord.”
Siniguro rin ni Aquino na magiging mas matibay at mas ligtas ang mga bagong imprastraktura na itinatayo ng pamahalaan. “Bawat inisyatibang ating ititindig sa inyong pagbangon, ay titiyakin nating 'di hamak na mas maayos at mas ligtas kaysa noon. Mula sa pabahay at relokasyon sa mas ligtas na mga lugar, sa pagsasaayos at pagpapatayo ng mga imprastraktura.”
Kasama ni Aquino sa pagbisita sa mga pabahay na itinatayo sa probinsiya sina Pablo rehab czar Rene Almendras, Public Works Secretary Rogelio Singson, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Social Welfare Secretary Dinky Soliman, Energy Secretary Jericho Petilla, at Yolanda rehab czar Panfilo Lacson.
Noong Disyembre 2012, hinagupit ng Bagyong Pablo ang ilang bahagi ng Mindanao na kumitil sa buhay ng mahigit isang libo katao at sumira sa halos P40 bilyon na ari-arian.
Nagsimula ang rehabilitasyon sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Pablo nitong Mayo kalakip ang mahigit P10 bilyong pondo. — Rouchelle R. Dinglasan/RSJ, GMA News
Tags: typhoonpablo, benignoaquinoiii
More Videos
Most Popular