Filtered By: Topstories
News

Kapangalan ng Bagyong Yolanda, nagiging tampulan ng biro


(Updated 12:09 p.m., Dec. 2) Ang lupet talaga ng hagupit mo Yolanda. Ang daming namatay dahil sa ‘yo. Wala kang awa. Ang dami mong sinira.

Ilan lamang ito sa mga biro na ipinupukol kay Yan, 23, isang pharmacist na nakatira na sa ngayon sa US. Yolanda ang tunay niyang pangalan at bilang kapangalan ng bagyong nanalasa sa Kabisayaan nitong Nobyembre, hindi rin nakaligtas si Yan sa biro ng kanyang mga kaibigan mula sa US at sa Pilipinas.

Ngunit, hindi rin nagtagal ang pagbibiro kay Yan nang lumabas na ang balita ukol sa lakas nang hagupit ng super typhoon na itinuturing na pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa sa kasysayan.

“At first it was a little bit humorous when we were still unaware of the intensity of the typhoon. But during the aftermath, some stopped joking about my name and some didn't,” paglalahad ni Yan sa GMA News Online sa isang panayam nitong Linggo. “At first I didn't know how to react to [the jokes]. But now, the fact that I am not currently residing in the Philippines is somewhat a relief to me. Because hearing so much hate in the name of Typhoon Yolanda from people who were devastated by the typhoon is really heartbreaking,” dagdag pa niya.


Patuloy na pagtutulungan

Tulad ni Yan, madalas ding biruin si Yolanda “Mama Yols” Villanueva, 62, ng kanyang mga kababayan sa Amadeo, Cavite.

“Dahil konsehal nga po ako ng bayan, ‘pag may sesyon kami [sa munisipyo] ay binibiro nila ako ‘Wag nang buksan ang pinto at napakalas niyan’,” aniya sa isang hiwalay na panayam.

“Kahit hanggang ngayon ang dami pa rin biro sa akin pero tumatawa lang ako dahil alam ko namang biro lang. Minsan nga sinasabi ko, ‘Kaya nga papalitan ko na ang pangalan ko kasi ang dami nang galit sa akin’,” pahayag nito.
 
Gayunpaman, hindi lahat ng may ngalang Yolanda ay nakakatanggap ng mga biro - isa na rito ang maybahay na si Yolanda Brizuela Belga, 27. At, kung makatanggap man daw siya ng biro, hindi siya mapipikon.
 
“Hindi naman po ako magagalit kasi alam ko po na biro lang naman po ‘yun. Basta ang alam ko wala po akong kasalanan,” paliwanag niya.

Dagdag ni Yan, sa panahon ngayon, bukod sa biro na natatanggap niya dahil sa kanyang pangalan, mas mahalaga ang patuloy na pagtutulungan upang maisaayos ang buhay ng mga biktima ng nasabing bagyo.

"Rather than being bothered by the name, I think that what is the most important are that the whole world united to help our fellow countrymen... what our fellow countrymen really need is our prayers. Stop the gibberish arguments and start making a difference," aniya.  
 
Aalisin na sa listahan

Ayon kay PAGASA weather forecaster Samuel Duran, aalisin na ang pangalan ng Bagyong Yolanda sa listahan ng pangalan ng mga bagyo dahil sa dami ng buhay na kinitil nito at sa laki ng pinsalang dulot nito.
 
“Dapat lang po na i-decommission na ‘yung pangalan na Yolanda. Ang basehan ng pagdecommission kapag umabot na sa 300 ang namatay o umabot na sa P1 bilyon ang pinsala ng bagyo,” aniya.
 
Sa pinakahuling tala ng awtoridad, mahigit 5,600 katao na ang nasawi sa paghagupit ng super typhoon, samantalang mahigit sa P30 bilyon ang pinsala nito sa imprastrastraktura at agrikultura.
 
Bukod sa Bagyong Yolanda, ilan sa mga pangalan ng bagyong inialis na sa listahan ng PAGASA ay ang Ondoy, Milenyo, Sendong at Pablo.

Pinapangalan sa mga tao ang bagyo upang mas madali itong maalala at mas madaling makapagbigay ng babala ang pamahalaan.

Nauna nang ginamit sa pagpapangalan ng bagyo ang palayaw ng mga kababaihang nagtatapos sa “-ng.” Ngunit nitong 1999, nagsimula ang PAGASA ng isang contest kung saan kinokonsulta nila ang publiko sa pagbibigay ng mga bagong pangalan ng bagyo na gagamitin nang salitan sa loob ng 12 na taon. Ilan sa mga napili ay mga pangalan ng lalaki, insekto o halaman. — DVM/KBK, GMA News

Art by Analyn Perez, GMA News